Posibleng matuldukan na ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2 at iba pang gusali sa siyudad.

“Kung wala nang bagong ebidensiya, napapanahon na para i-convert ko ang second partial report para maging final report,” pahayag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang serye ng pagdinig sa Senado ay nakatutok sa mga umano’y iregularidad na kinasasangkutan ng pamilya Binay na nagsimula nang mahalal bilang Makati mayor si Vice President Jejomar Binay matapos ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 1986 hanggang sa termino ng suspendidong alkalde na si Jejomar Irwin “Junjun” Binay.

Ang unang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee ay nangyari noong Agosto 2014 habang ang huling yugto ay noong Nobyembre 2015.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon kay Pimentel, maaari pang magsagawa ng imbestigasyon ang kanyang komite kung mayroong ilalabas na mga bagong ebidensiya. Subalit duda rin si Sen. Koko kung makadadalo ang ibang miyembro ng komite dahil magsisimula na ang panahon ng kampanya para sa May 2016 elections.

Nangangamba rin si Pimentel na ano mang isasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang kontrobersiya ay maaaring ituring ng publiko bilang “politically-motivated” upang sirain ang tsansa ni Binay na mahalal bilang susunod na pangulo ng bansa.

‘’We started the probe in August, 2014. The topic has been tagged as politically motivated. So whatever a politician does today, whether it is for committee investigation, commentary, affected personalities can say that is politics, politically-motivated,’’ aniya.

Subalit binigyang-diin ni Pimentel na hindi pa nadedesisyunan ng Blue Ribbon Committee kung tatapusin na ang imbestigasyon laban sa mga Binay na nagsimula halos 16 buwan na ang nakararaan.

Aminado rin si Pimentel na hindi pa niya nakakausap si Sen. Antonio Trillanes IV hinggil sa estado ng Senate probe.

Kasama si Sen. Alan Peter Cayetano, si Trillanes ang pasimuno ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalya na kinasangkutan ng pamilya Binay sa Makati City. (MARIO B. CASAYURAN)