SA kabila ng halos araw-araw na mga aberya at pagtirik ng MRT, at sa kabila ng panawagan ng taumbayan at ni Sen. Grace Poe, na nanguna sa pagdinig sa Senado hinggil sa kapalpakan ng MRT 3 at kakulangan ng coaches at station facilities, na sibakin na ni Pangulong Aquino si DoTC Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya, nananatiling matigas ang ulo ni PNoy. Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma na naroroon pa rin ang tiwala ng Pangulo sa kakayahan ni Abaya. Ang MRT ay nasa ilalim ng tanggapan nito.

Si Abaya, na dating kongresista ng Cavite ay co-terminus daw ng binatang pangulo hanggang sa Hunyo 2016.

Nangangahulugan na limang buwan pang maghihirap sa pagsakay ang libu-libong commuter sa MRT, ayon kay Sen. Grace, na nagmungkahi kay PNoy na sibakin na si Abaya at huwag nang hintayin pang kusang magbitiw.

Naniniwala tuloy ang mga mamamayan na kapag kaibigan ni PNoy ang talagang walang kakayahan at inutil sa serbisyo-publiko, hindi niya ito kakasuhan, gigipitin o kaya’y pagbibitiwin. Tingnan ang nangyari kay ex-Bureau of Immigration Chief Sigfred Mison. Dali-dali siyang sinibak bunsod ng mga akusasyon sa kanya. Hindi man lang hinintay ang paliwanag ni Mison. ‘Di ba ganito rin ang nangyari sa dating Health Secretary na si Enrique Ona? Gayunman, kapag kaalyado at kasamahan niya ang inaakusahan, hindi siya kumikibo kahit sila ay sangkot sa PDAF at DAP.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

***

Naniniwala si PNoy na may kulay pulitika ang muling pag-iimbestiga sa Mamasapano incident, na ikinasawi ng 44 na PNP Special Action Force commando, noong Enero 25, 2015. Gayunman, handa raw siyang harapin ang reinvestigation sa Oplan Exodus na pinayagan niyang ang magpalakad ay ang suspendidong kaibigan na si PNP Director General Alan Purisima na nagresulta sa malagim na trahedya. Ang nagmungkahing muling buksan ang imbestigasyon ay si Sen. Minority Leader Juan Ponce Enrile.

***

Kabi-kabila na naman ang mga insidente ng sunog. Sa Tondo ay may naganap kamakailan na sunog sa Barangay 155 at Barangay 160, Dagupan Extension, Tondo II. May 617 pamilya ang apektado ng sunog na agad tinulungan ni Rep. Benjamin “Atong” Asilo, na kandidato sa pagka-bise alkalde ng Liberal Party sa Maynila, katambal si ex-Mayor Alfredo Lim.

Nagkaloob ang Pambato ng Tondo ng tulong-pinansiyal sa naturang mga pamilya na halos walang makain at matulugan.

Bilang anak-mahirap na ang ina ay tindera sa Pritil Market, dama raw niya ang abang kalagayan ng mga nasunugan.

Kasama niya sa pagbibigay ng tulong si Jade Daquiz, kandidato sa pagkakonsehal sa Tondo I.

Baka hindi pa ninyo alam, si Mayor Lim ay tubong-San Miguel, Bulacan na nagsikap sa buhay at nag-aral sa Maynila upang matamo ang tagumpay sa larangan ng peace and order bilang miyembro ng pulisya. Naniniwala si Lim na malaki ang maitutulong niya sa Maynila kapag siya ay nahalal kasama si Asilo na ngayon ay kongresista at dating barangay captain at dati ring konsehal ng Maynila. (BERT DE GUZMAN)