Inaasahang magiging abala ang Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) sa susunod na tatlong taon dahil sa binagong kalendaryo para sa mga kompetisyon sa indoor volleyball sa 2016 hanggang 2019 na inilabas mismo ng Asian Volleyball Confederation (AVC).
Ang Thailand ang nakatanggap ng malaking bentahe sa AVC na nagbigay dito ng permiso upang maging host sa tatlong malalaking torneo sa susunod na taon.
Ngayong taon ay nakatutok ang atensiyon sa Thailand na magsisilbing host sa isa sa pinakapopular at dinadayo na FIVB World Grand Prix Finals (Group 1) sa Bangkok sa Hulyo 6 - 10, kung saan tampok ang lima sa pinakamagagaling na koponan sa mundo.
Sa nasabi ding buwan ay ioorganisa ng Thailand, kung saan nakatayo ang AVC Headquarters, ang 18th Asian Women’s U19 Championship sa Nakhon Ratchasima simula Hulyo 23 – 31 na nakatakdang lahukan ng Pilipinas na nagbubuo pa lamang ng pambansang koponan
Nakamit din ng Thailand mula sa AVC ang karapatan na mag-host ng tatlong malalaking kompetisyon sa susunod na tatlong taon. Isa na dito sa taong 2017 kung saan magmimistulang battle ground ang bansa sa pagsasagawa sa ikalawang Asian Women’s U23 Championship sa ikaapat na linggo ng Mayo.
Idaraos din sa kanila sa 2018 ang ikaanim na AVC Cup for Women sa unang linggo ng Hulyo.
Inaasahang mag-iinit ng husto ang volleyball sa Thailand sa 2019 sa pagsasagawa naman nito sa 20th Asian Senior Women’s Championship sa ikaapat na linggo ng Hunyo.
Samantala’y kabuuang anim na torneo ng AVC ang isasagawa ngayong taon, una sa Chinese Taipei na siyang magpapasimula sa 2016 volleyball events sa paghohost nito sa 18th Asian Men’s U20 Championship sa Hulyo 9 hanggang 17, kasunod ang 18th Asian Women’s Under-19 Championship sa Thailand sa Hulyo 23 hanggang 31.
Matapos ang 2016 Summer Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil sa Agosto 5 hanggang 21 ay pagkakataon naman ng Myanmar, na sariwa pa sa matagumpay na pag-oorganisa noong nakaraang taon ng pinakaunang Asian Men’s U23 Championship ay muling maghu-host ng 2016 Asian Men’s Club Championship sa Agosto 23 - 31.
Para naman sa kanilang bahagi,tatayo namang host ang Pilipinas para sa 2016 Asian Women’s Club Championship sa Setyembre 3 at 11.
Isasagawa naman kasunod nito ang 5th AVC Cup for Women sa Vietnam sa Setyembre 12 hanggang 18, na susundan ng 5th AVC Cup for Men sa India sa Setyembre 19 - 25. - Angie Oredo