Mahigpit na binalaan ng Department of Health (DoH) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko, partikular ang mga magulang, laban sa pagbili ng usung-uso ngayon na hoverboard para sa kanilang mga anak na edad 14 pababa, dahil sa panganib at disgrasyang maaaring idulot nito.
Batay sa joint advisory ng DoH at DTI, posibleng may hatid na panganib sa mga bata ang hoverboard dahil sa taglay nitong baterya na mataas ang boltahe.
Nakasaad sa advisory na karamihan sa mga hoverboard ay mayroong 36-volt batteries o mas mataas pa.
Delikado umano ito dahil lampas sa itinatakdang 24 volts na baterya ng electronic toys.
Bukod dito, maaari rin umanong magdulot ng aksidente ang hoverboard sa mga bata dahil sa “unsteady driving position” nito at mahirap na kontrolin at balansehin na board.
Ayon sa DoH at DTI, sa Amerika ay nakapagtala na ng pagdami ng hoverboard-related injuries noong Agosto 2015, kabilang ang fractures, strains, sprains, contusions, lacerations, at maging head injuries. - Mary Ann Santiago