PBA IMAGE 6 (2) copy

Laro ngayon

MOA Arena

7 p.m. Globalport vs. Alaska

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Globalport at Alaska unahan muli sa bentahe.

Inaasahang maglalagablab ang aksiyon sa pagitan ng Globalport at Alaska sa pag-uunahang makapagtala ng bentahe matapos magtabla sa 1-1 ang kanilang serye sa muli nilang pagtutuos ngayong gabi sa Game Three ng kanilang best-of-7 semifinals series para sa 2016 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Matapos mabigo noong Game One, 93-107, pinaigting ng Aces ang kanilang depensa noong Miyerkules ng gabi para ipatas ang serye kasunod ng 100-76 na lopsided win sa Game Two.

Ngunit kung gaano naging maigting ang depensa ng Aces, sinasabing nawala ang tunay na kulay ng laro matapos magkaroon ng kaguluhan na nakapagpahinto dito ng halos 15 minuto, may 52.6 na segundo ang nalalabi sa first canto na nagresulta sa technical fouls ng 13 katao na kinabibilangan ng limang manlalaro at walong team officials.

Katunayan, umabot sa kabuuang 16 na technical foul ang naitawag sa nasabing laro, isang technical na lamang ang kulang para mapantayan ang record na 17 na naganap noong 1997 Governor’s Cup sa laban noon ng Alaska at Shell na noo’y ginagabayan pa bilang coach ni Narvasa.

Gayunman, naniniwala si coach Alex Compton na kailangan nilang mapanatili ang enerhiyang ibinibigay nila sa kanilang depensa o mas mahigitan pa upang makamit nila ang panalo.

“I hope that every single game in the playoffs, we can hold teams at 32 at the half. It was a concerted effort on defense.The story of the game is we had more defensive energy that’s why we won,” ani Compton.

Para naman sa Batang Pier, dagdag o mas matibay na composure para sa kanilang mga players sa kahalintulad na sitwasyon ang kinakailangan para hindi madala ng kanilang damdamin.

“Kailangan lang magpakita ng poise pag me ganung matinding pressure,siyempre karamihan mga bata yung players namin kaya nadadala ng bugso ng kanilang damdamin,” pahayag ni Batang Pier coach Pido Jarencio sa nakitang dahilan kung bakit biglang kumawala ang Aces, ang mas beteranong koponan pagkaraan ng nangyaring kaguluhan habang hindi na sila nakahabol.

Gayundin naniniwala si Jarencio na malaki pa ang pagkakataon nila upang makabawi dahil mahaba pa naman ang kanilang duwelo.

“Matagal pa naman yan, kaya puwede pa kaming bumawi next game.”

Dahil dito, inaasahang mas magiging mainit ang bakbakan sa pagitan ng dalawang koponan na siguradong gagawin ang lahat para makaungos sa pinaglalabanan nilang finals berth.

Samantala, bago matapos ang araw kahapon, inaasahang mapapatawan lahat ng kaukulang multa ang mga taong natawagan ng technical foul sa Game Two ng Aces at Batang Pier semis series.