HINDI ito comedy o katatawanan. Kundi baka isang napakasakit na biro at pang-iinsulto. Mas gusto nga ba nilang maging MAYOR ang isang PUSA kesa sa mga kumakandidato?
Ang balitang ito ay mula sa Siberian City sa Russia na tulad sa ‘Pinas ay magdaraos din ng eleksiyon. Anim umano ang kanilang kandidato sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod na binubuo ng 650,000 mamamayan. Ngunit sa anim na kandidato ay wala kahit isa mang nakapasok. Ayaw ng mga botante sa mga ito.
Kaya isang informal online poll ang isinagawa roon para alamin kung sino talaga ang gusto nilang maging alkalde ng kanilang lungsod. Kasama sa nasabing online poll na pagpipilian, bukod sa anim na kandidato, ay isang PUSA. Isang Siamese na ang pangalan ay BARSIK. At sumpa ni Barabas, 90 porsiyento ng mga botante ay mas gustong si BARSIK ang maging mayor.
Katatawanan ba o katotohanan? Ngunit sa hindi masugpong korapsiyon sa nasabing lungsod, tila talagang gusto pa nilang magkaroon ng MAYOR na PUSA!
Hindi nalalayo ang sitwasyon nila sa kalagayan ng ating bansa. Lima ang kandidato ang posibleng manalo bilang pangulo, pero baka dahil sa “kalupitan at tila wala sa katwirang kapangyarihan ng Comelec” ay baka isa na lamang ang matira. Isa-isang tinatanggal ang hindi nila gusto. At iyan ay tila korapsiyon na sa panig ng Comelec.
Buhat sa pagsisimula ng pulitika hanggang sa ipahayag ang nanalo ay isa nang pagmamalabis ang ginagawa ng mga opisyal. Hindi nila hinahayaan na ang mamamayan ang pumili ng gusto nilang maging pangulo. Ang Comelec ang namimili kung sino ang gusto nila at tatanggalin ang hindi nila gusto.
Laganap ang korapsiyon, krimen, traffic, pagnanakaw sa kaban ng gobyerno, pagpapabaya sa mga biktima ng kalamidad, warat-warat na MRT at LRT, lahat na. Mas matindi ang mga nangyayari rito kaysa sa Siberian City sa Russia.
Kung mas gusto ng mamamayan doon ay magkaroon ng MAYOR na PUSA, hindi kaya gustuhin din ng mga Pinoy na magkaroon ng PANGULONG ASO?
Baka mas tumino pa ang ating gobyerno! (ROD SALANDANAN)