Tatlumpu’t tatlong truck o nasa 500 tonelada ng basura mula sa pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon ang nahakot ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa Divisoria nitong Biyernes.

Dakong 3:00 ng umaga pa lang nitong Biyernes ay abala na ang Task Force Manila Clean-up sa paghahakot ng santambak ng sari-saring basura sa Divisoria, na pinakamarami ang nakolekta sa Claro M. Recto Avenue.

Ayon sa report ng Task Force Manila Clean-up, mas marami ang basura na nakolekta sa pagsalubong sa Bagong Taon ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Sinabi ni Engr. Che Borromeo, hepe ng Task Force Manila Clean-up, na 33 dump truck ang ginamit nitong Biyernes upang hakutin ang 500 tonelada ng basura, mas mataas na bilang kumpara sa 25 dump truck na naghakot noong nakaraang taon ng nasa 300 tonelada ng basura.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, sinabi ng EcoWaste Coalition, na ang hindi maayos na pagtatapon ng basura na gaya nito ay taliwas sa Proclamation No. 760 na nagdedeklara sa Enero bilang Zero Waste Month.

Iginiit ng koalisyon na maraming maaari pang i-recycle ang tuluyan nang naibasura dahil hindi inihiwalay ang mga ito, kaya diretso na sa tambakan ang mga ito.

Dahil dito, plano ngayon ng Task Force Manila Clean-up na turuan ang mga vendor tungkol sa tamang paghihiwa-hiwalay ng basura. (Argyll Cyrus B. Geducos)