Photo 1 copy

Talagang mahirap mapantayan ang galing at talino ng Pinoy.

Kamakailan, humakot ng parangal ang Isuzu Philippines Corporation (IPC) matapos mamayagpag ang mga technician nito sa pagalingan at pabilisan ng vehicle service sa I-1 Grand Prix: Isuzu World Technician Competition na ginanap sa Tokyo, Japan noong Nobyembre.

Nilahukan ng iba’t ibang Isuzu subsidiary sa buong mundo, ang bawat kumpanya ay nagpadala ng kani-kanilang koponan upang makasagupa ng ibang delegasyon sa ilalim ng iba’t ibang service category para ipakita ang kanilang husay sa technical services.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa naturang kompetisyon, nasungkit ng Team Isuzu Philippines ang Number One slot sa Commercial Vehicle (CV) Division-Category B. Ang TIP ay pinangunahan ni Coach Napoleon Marquez kasama ang madiskarteng technician na sina Ramie Monterola, ng Isuzu Makati, at Arman Bulahan, ng Isuzu Davao.

Bukod dito, nasulot din ng TIP ang ikalawang puwesto sa Light Commercial Vehicle Division, sa pangunguna ni Coach Ernesto Corocoto Jr., ng Isuzu Philippines Corporation, kasama ang mga technician na sina Martt Erruze Puga at Ruben Cerillo Jr., kapwa nakatalaga sa Isuzu Pasig.

Lubos na ikinatuwa ni IPC President Hajime Koso ang ipinamalas na kagalingan ng TIP sa taunang kompetisyon.

Ayon kay Koso, ang tagumpay ng delegasyon mula sa Pilipinas ay nagpapatunay sa de-kalidad na serbisyo na ipinamamalas ng IPC sa mga may-ari ng Isuzu vehicles sa Pilipinas.

“Last year, the mechanics from IPC finished second in Category B, which is on Emission Regulation for N-Series, Euro 4 or Lesser. Two years ago, they have also been in the top three. These mechanics are artists in their own way. I hope that they continue to strive hard to deliver quality services to the Filipino automotive market,” ani Koso.

Layunin ng Isuzu World Technical Competition na maitaas ang antas ng serbisyo ng Isuzu sa iba’t ibang bansa, na prioridad ng Japanese brand ang magbigay ng de-kalidad na aftersales service sa mga kliyente nito. (ARIS R. ILAGAN)