Posibleng sumiklab ang mainitang debate bunsod ng panukalang pagtatatag ng National Sex Offender Registry System, na ilalagay sa isang listahan ang mga pangalan ng nasentensiyahan sa pangmomolestiya at panggagahasa sa bansa.
Hinikayat ni ACT-CIS Rep. Samuel Pagdilao ang kanyang mga kabaro na aprubahan ang House Bill 6301 para sa pagkakaroon ng isang komprehensibong listahan ng mga sex offender na magagamit ng mga tagapagpatupad ng batas bilang babala sa mga mamamayan.
Sinabi ni Pagdilao na ang panukalang database ay magpapalakas sa kakayahan ng law enforcement unit upang manmanan ang aktibidad ng mga dayuhang pedophile at maipamahagi ang impormasyon sa mga komunidad na posibleng nagtatago sa kanilang lugar.
Habang inaasahan niyang papalag ang mga human rights group sa naturang panukala, idinepensa naman ni Pagdilao na hindi layunin ng HB 6301 na hiyain ang mga convicted sex offender.
“However, the high risk of recidivism in sex offenders calls for this drastic and serious measure, which is necessary for the protection of children and society from sex-related crimes,” pahayag ni Pagdilao, na isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dating pinamunuan ang Criminal Investigation and Detection Group.
Iginiit din ng mambabatas, na kandidato sa pagkasenador sa 2016 elections, na maging ang Bureau of Immigration (BI) ay nagpapatupad ng ban sa mga foreign national na sangkot sa pedopilya at sa iba pang sex crime.
Ang HB 6301 ay kasalukuyang nakabimbin sa House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Iloilo Rep. Niel Tupas Jr.
(Ben Rosario)