SARIAYA, Quezon – Pinatay sa saksak ng isang misis ang kanyang asawa sa kainitan ng kanilang pagtatalo tungkol sa pera sa loob ng kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Mamala 1 sa bayang ito, nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Rodante V. San Vicente, 33, magsasaka, habang ang suspek ay si Laarni Evangelista San Vicente, 28 anyos.

Ayon sa ulat, dakong 7:00 ng umaga nang magtalo ang mag-asawa tungkol sa problema nila sa pera at sa kainitan ng kanilang sagutan ay dumampot si Rodante ng itak.

Gayunman, naagaw ito ng ginang at sinaksak ang asawa sa ibabang bahagi ng dibdib.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Agad namang isinugod ng ginang ang asawa sa Lucena United Doctors Hospital ngunit kinumpirma ni Dr. Grace D. Mallari na patay na ito.

Sa nasabing ospital na inaresto ang ginang, na nakapiit na ngayon sa himpilan ng Sariaya Police at kakasuhan ng parricide. (DANNY ESTACIO)