Hindi na magbabanggaan ang iba’t ibang liga ng volleyball sa susunod na taon 2016.

Ito ang ipinaliwanag ni Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) president Jose “Joey” Romasanta matapos itong makipag-usap sa ilang miyembro ng executive board ng asosasyon upang mas lalong mabigyan ng direksiyon ang pag-angat ng kinagigiliwang sports at mapangalagaan din ang mga atleta.

“Aayusin na natin ang lahat ng mga local tournament, dito sa Manila at provinces, para hindi nagkakasabay-sabay at hindi nahihirapan ang mga team, commercial man o schools, at mapapangalagaan na rin natin ang ating mga player,” sabi ni Romasanta.

Itinalaga ng LVPI ang managing director nito na si Benjamin “Chippy” Espiritu upang makipag-usap sa lahat ng mga nagaganap na liga ng volleyball sa bansa at siya ding mamahala sa pagsasaayos ng isang “national calendar” na maglalaman ng takdang petsa ng mga torneo sa buong taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“The FIVB and the AVC wanted to have our calendar for the year para maisama naman nila sa kanilang calendar of events that is happening around the world,” sabi ni Romasanta. “Hindi na lamang tayo basta-basta biglang meron na agad na tournament na lilitaw dahil kailangan talaga na protektahan ang mga player, local and international.”

Inaasahan ding magkakaroon ng kani-kanilang responsibilidad ang mga opisyales ng LVPI na binubuo nina Chairman Victorico “Concoy” Chaves, Vice President Pedro “Peter” Cayco (NCAA), Secretary General Richard William “Ricky” Palou (V-League/Spikers’ Turf) at board member na sina Ariel Paredes (PSL) at Rodrigo Roque (UAAP).

Gayundin sina Chief Finance officer Ramon “Choy” Cojuangco, legal counsel and coaches, referees and athletes commission head Atty. Ramon Malinao, Treasurer - Antonio “Jeff” Tamayo at si Espiritu.

“Very important ang ating national calendar because we will be also having a lot of seminars for coaches, for the referees and even the athletes. Kami nga mismo nagulat na meron pala na special training for liberos, open spikers, blocker at hitter na para lang talaga sa kani-kanilang posisyon,” sabi pa ni Romasanta.

Katatapos pa lang ng LVPI na magsagawa ng Level II coaches seminar na pinamahalaan mismo ng mga instructor mula sa FIVB kung saan naobserbahan ng asosasyon na maraming coaches doon ang pupuwede na pahawakin nito sa bubuuing mga pambansang koponan sa Under 14, Under 17, Under 19 at maging sa elite team.

“The FIVB, AVC as well as Thailand, who are now very far ahead of us, is very hopeful and willing to help us in conducting the training,” sabi pa ni Romasanta.

Idinagdag ni Romasanta na ang Philippine Super Liga pa lamang ang nakakapagbigay ng kanilang buong plano para sa 2016 habang hinihinintay nito ang itatakdang buwan ng NCAA at UAAP at ang plano ng V-League. - Angie Oredo