Ni MARY ANN SANTIAGO

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila minadali ang paglalabas ng desisyon sa disqualification case ng presidential aspirant na si Senator Grace Poe.

Ang paglilinaw ni Comelec Chairman Andres Bautista ay kasunod ng pahayag ng kampo ng senador sa anila’y kuwestiyonableng timing sa paglalabas ng desisyon ng Comelec en banc sa kaso, gayung naka-recess ang Korte Suprema.

Ayon kay Bautista, nagkaroon pa sila ng pag-aalinlangan kung kailan ilalabas ang desisyon dahil puwede pa nila itong ipagpaliban hanggang Enero.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, aniya, nagdesisyon silang ilabas nang mas maaga ang desisyon upang mabigyan ng sapat na panahon ang kampo ng senadora na maghain ng motion for reconsideration (MR) sa Korte Suprema at makakuha ng temporary restraining order (TRO).

“Ito po ‘yung dilemma namin, eh, kasi on one hand, puwede naming ipagpaliban sa Enero na ang pag-promulgate, pero ‘pag ginawa naman namin ‘yan, mas konti ‘yung araw na magkakaroon ang kampo ni Poe at ang kanyang mga abogado na gumawa ng kanilang MR o appeal sa Korte Suprema at ‘yun ding pagkuha ng TRO,” ani Bautista.

“Para sa amin, we balance, tinimbang namin kung ano ang pros and cons at sa aming palagay, mas mabuti na lumabas ang aming desisyon para din ‘yung ating Korte Suprema, mapag-aralan na din at alam naman natin na kumbaga, sila rin naman ang magbibigay ng huling pasya sa mga bagay na ito,” paliwanag pa ng Comelec chief.

Aniya, mas maiksi ang panahon ng kampo ni Poe na makakuha ng TRO o status quo ante-order mula sa kataas-taasang hukuman kung ipinagpaliban nila ang paglalabas ng desisyon, dahil ang deadline nila sa pag-imprenta ng balota ay sa huling bahagi ng Enero na.

Giit pa ni Bautista, hindi naman nila maaaring ipagpaliban ang pag-iimprenta ng balota para kay Poe, dahil makakaapekto ito sa ginagawa nilang paghahanda sa eleksiyon.