Hindi na makakabilang sa Gabinete si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo simula sa Enero 2016.
Sa panayam matapos ang signing ceremony ng 2016 National Budget sa Malacañang, sinabi ni Domingo na mananatili siya sa kanyang puwesto hanggang sa Disyembre 31, 2015 na lang.
Subalit inihayag din ng kalihim na ang huli niyang working day ay kahapon, Disyembre 22, dahil naka-leave na siya simula ngayong Miyerkules.
Aniya, inirekomenda kay Pangulong Aquino si DTI Undersecretary Adrian Cristobal Jr. bilang susunod na DTI secretary subalit kailangan pa itong aprubahan ng Punong Ehekutibo.
Matatandaan na unang kinumpirma ng Malacañang ang pagbibitiw ni Domingo bilang kalihim noong Setyembre 12.
Dapat na mananatili lamang si Domingo sa DTI pagkatapos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting nitong Nobyembre pero nanatili pa siya sa puwesto dahil sa ilang importanteng gawain. (Madel Sabater-Namit)