Nagtala si Andre Drummond ng 33-puntos at 21 rebound habang umiskor si Reggie Jackson ng kabuuang 31-puntos upang bitbitin ang Detroit Pistons kontra Chicago Bulls, 147-144, sa laban na inabot ng apat na overtime Biyerens ng gabi sa Chicago, Illinois.
Inihulog ng Pistons ang unang pitong puntos sa ikaapat na overtime bago kinapitan ang abante sa napakaigting na yugto at pagtikada ng huling Segundo.
Huling lumapit ang Chicago sa tulong ni Jimmy Butler, na umiskor ng career-high 43-puntos, matapos ipasok ang off-balance na 3-pointer upang idikit ang laban sa iskor na 145-144, may 4.7 segundo na lamang sa laro.
Agad na binigyan ng Bulls ng foul kay Jackson na nagawa namang ihulog ang dalawang free throws para itulak ang laban sa tatlong puntos na laro.
Pinilit ng Bulls na itulak sa ikalimang overtime ang laban subalit sumablay si Butler sa kanyang tres sa pagtunog ng buzzer upang tapusin ang napakaigiting na laban.
Umiskor si Derrick Rose ng kanyang season-high 34-puntos para sa Chicago habang nagdagdag si Pau Gasol ng 30-puntos at 15 rebound bagaman hindi nakaya ng Bulls agawin ang panalo matapos pantayan ang season high nitong apat na sunod na panalo.
Umabot ang laban sa ikaapat na OT sa pagtatabla sa 127 iskor matapos na sumablay si Gasol sa binitawang tres sa gilid gayundin si Jackson na sumablay sa kanyang 21-footer na desperation attempt.
Umangat ang Detroit sa kabuuang 16-12 panalo-talong kartada habang nahulog ang Chicago sa 15-9 kartada.
Samantala, inaasahan naman ang pagganti ng Golden State Warriors kontra Milwaukee Bucks sa muling paghaharap nila kagabi.
Bibisitahin ngayon ng Bucks ang Warriors sa kanilang homecourt at tiyak na ito ay aabangan ng maraming basketball fans.
Magugunitang, pinutol ng Bucks ang 24 winning streaks ng Warriors ngayong bagong season ng NBA sa score na 108-95 noong nakaraang araw ng Linggo.
Sa fanpage ng Warriors nag-post sila ng larawan na nagsasabing tutugisin nila sa kanilang homecourt ang Bucks.
Ilan sa mga inaasahang gagawa ng malaking kontribusyon sa Bucks ay ang kanilang center forward na si Greg Monro na may average score na 16.2 at 9.9 rebounds habang sa Warriors ay si NBA MVP Stephen Curry. (Bombo Radyo)