SA kasalukuyang taon, umabot sa 130 ang naghain ng certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo, habang 19 sa pagka-bise presidente, at mantakin natin, 172 naman bilang senador! Bakit ganito? Siyempre ang sagot ng Commission on Elections (Comelec) at mga switek diyan, hindi pa pinal ang mga ito dahil aalisin nila ang mga “nuisance candidate”. Yung mga kandidato na sa sariling pang-unawa, batayan at makapangyarihang paghuhukom ng Komisyon ay panggulo, nanggugulo at walang kakayahang maglunsad at magpatakbo ng pambansang halalan. Ibig sabihin, makapangyarihan ang Comelec.

Kung Saligang Batas ang pagbabatayan, walang terminong “nuisance candidate” na mababasa na nagbabawal sa sino mang mamamayan ng Pilipinas mangarap tumakbo, basta ba swak sa mga alituntuning nakasaad sa probsiyon ng konstitusyon. Ilan sa mga pagbabatayan ay ang edad, residency, citizenship, atbp. Sa madaling sabi, nagbaro’t saya ang Comelec at dinagdagan ang Saligang Batas. Samakatuwid, nilabag nila ang hangarin at mandato nito.

Anong batayan ang pinanghahawakan ng Komisyon na bawian ng karapatan ang karamihan sa mga nais tumakbo? Dahil imposible kasi maimprenta sa balota ang lahat ng pangalang kumakandidato, lalo kung idadagdag pa ang ibang posisyon sa lokal hanggang konsehal, sagot ng Comelec. Batid natin, mali ang salitang “imposible”, sapagkat maaaring maging dalawang pahina ang balota kung itatama. May paraan kung gusto. Maraming dahilan kung ayaw. Mahal lang nga.

Tsaka, aminin natin, kung sulat kamay ang botohan, lahat ng kandidato ay mapagbibigyan kasi bakanteng espasyo lang ng posisyon ang naka-imprenta sa balota, hindi mga pangalan tulad sa sistema ng Hocus-PCOS. Bakit nga ba tayo nagkaganito? Nagsimula sa Martial Rule nang sirain ang Two Party System. Imbes ituwid ni Cory Aquino, pinalawig pa ang Multi-Party System, na halos 200 partido na ang sinasargo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mga tagapatnugot ng kasalukuyang Konstitusyon hindi hinalal, at nasabuyan pa ng mga “Kaliwa”. Noong dalawa lang ang partido, hindi sila maka-porma. Sa dating sistema, matatalino at higanteng lider ang nakaupo. Sa ngayon mga…Nung ipinilit ng Kaliwa ang “Term Limits,” sa Konstitusyon, dumami ang kamag-anak sa pulitika. Sagot nila, “Anti-Dynasty”. Eh, pano kung bata-bata pondohan ni Congressman? ‘Anti-Kaibigan Law naman?’ Magsitigil nga kayo!

(ERIK ESPINA)