Dedesisyunan na ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng paghalili ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Martin Diño bilang standard bearer ng PDP-Laban.
Ayon kay Comelec clerk, Abigail Justine Lilagan, idineklara nang submitted for resolution at ira-raffle na sa ponente ang petisyon laban kay Duterte matapos na mabigo ang petitioner, ang broadcaster na si Ruben Castor, at ang abogado nitong si Atty. Oliver Lozano na sumipot sa case conference kahapon ng umaga.
Magsasagawa sana kahapon ng marking of evidences sa petisyon ngunit hindi ito natuloy dahil hindi humarap sa poll body si Castor.
Bunsod nito, hiniling ng kampo ni Duterte, sa pangunguna ng mga abogadong sina Vitaliano Aguirre at Ted Contacto, sa Comelec na ibasura na ang reklamo.
Inihayag pa nito ang nakasaad sa summon ng Comelec na kapag nabigo ang petitioner na humarap sa poll body ay maaari itong gamiting batayan para ideklarang submitted for resolution na ang kaso.
Iginiit pa ng kampo ng alkalde na walang batayan ang petisyon ni Castor dahil balido ang substitution.
Paliwanag nila, higit na dapat manaig ang intensiyon ng isang tao na tumakbo sa halalan sa pagkapangulo ng bansa kaysa sa teknikalidad.
Matatandaang sa certificate of candidacy (COC) na inihain ni Diño ay nakasaad na tatakbo siya sa pagka-alkalde ng Pasay City, sa halip na sa pagkapangulo ng bansa.
Nilinaw naman ni Diño na clerical error lang ang nangyari dahil hindi naman siya maaaring kumandidato sa Pasay City dahil barangay chairman siya ngayon sa Quezon City.
Kinilala rin, aniya, ng Comelec ang kanyang COC sa pagkapresidente nang padalhan siya ng komisyon ng liham na humihiling na magpaliwanag siya kung bakit hindi siya dapat ideklarang nuisance candidate.
Bunga naman ng deklarasyon na submitted for resolution na ang kaso, hindi na itutuloy ng Comelec First Division ang pagdinig sa reklamo na itinakda ngayong Miyerkules.
Kumpiyansa naman ang kampo ni Duterte na magdedesisyon ang Comelec pabor sa kanila. (MARY ANN SANTIAGO)