Hinablot ng Far Eastern University (FEU) Team- A ang korona sa tampok na Women’s Open division ng ginaganap na Philippine Sports Commission (PSC) - Women in Sports Football Festival 2015 Under 17 and Women’s Open nitong Sabado at Linggo sa Rizal Memorial Football pitch.

Winalis ng FEU-A ang apat nitong laban kung saan nagpasok ito ng 16 na goals habang nagbigay lamang ng isa sa mga nakatapat upang tipunin ang kabuuang 12-puntos at tanghalin na unang kampeon sa Open division ng torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga kababaihan.

Pumangalawa ang Tamaraws na may 3-1 panalo-talong kartada na may 16 goals at 3 goals against para sa natipon nitong siyam na puntos. Ikatlo ang Fuego Espana A na may 2-2 panalo-talo na may 10 goals at 4 goals against para matipon ang anim na puntos.

“It is a good exposure for the team considering we are aiming for a four-peat this coming UAAP season,” sabi ni FEU coach Marinelli Dimson, na dating national player at nag-coach ng PHI Under 14 team na lumahok sa 2014 Regional Championship sa Vietnam.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang FEU ang nagtatanggol na kampeon sa UAAP Women’s Football matapos hablutin ang titulo sa tatlong sunod na taon na 2012, 2013 at 2014.

Iginawad naman ni PSC Commissioner at Project Director Akiko Thomson-Guevara at Tournament Director Atty Ma. Fe “Jay” Alano ang magagarang medalya at espesyal na tropeo na parte sa programa ng ahensiya para mapalakas at mapaunlad ng talento at kakayahan ng mga atleta at kabataang kababaihan

Tinanghal na Most Valuable Player si Alina Araneta habang Best Defender si Hannamae Demitillo na kapwa mula sa FEU.

Best Midfielder si Jean Brigette Kadil ng Tamaraws habang iginawad kay Alina Araneta ang Golden Boot trophy matapos magpasok ng 7 goals.

Ang Golden Glove ay iginawad kay Kimberly Parina ng Tamaraws habang ang Fair Play Award ay napunta naman sa koponan ng West Bicutan. (ANGIE OREDO)