TINAMAAN ng pangalawang diskuwalipikasyon si Sen. Grace Poe courtesy ng First Division ng Commission on Elections noong Biyernes. Una rito, tumanggap siya ng DQ mula sa 2nd Division ng Comelec tungkol sa mga isyu ng pagiging natural-born Filipino citizen at kakulangan ng panahon ng pananatili sa bansa.
Kapag tuluyang nadiskuwalipika si Poe sa 2016 presidential elections, dahil siya ay isang foundling o pulot na hindi malaman ang tunay na pagka-mamamayan ng mga magulang, libu-libong pulot/ampon ang mapagkakaitan ng karapatan at pagkakataon na mag-ambisyon at humawak ng mga posisyon sa gobyerno kahit sila ay higit na may kakayahan, katalinuhan at katapatan sa serbisyo publiko kaysa mga tunay na Pilipino.
“Ayaw ko ng isang American president,” ito ang hiyaw ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang reaksiyon sa banat ni Poe na siya ay isang human rights violator, na hindi siya kumporme sa paraan ng machong alkalde ng pagpatay at kamay na bakal ang kailangan upang masugpo ang drug addiction, smuggling, at rape sa Pilipinas. ‘Pag siya raw ang naging presidente, papatay siya ng limang kriminal bawat linggo. Palakpakan ang mga tao!
Dahil dito, muling lumutang ang pamosong pahayag noon ni ex-Pres. Manuel L. Quezon na, “Higit kong nanaisin ang isang gobyernong pinatatakbo na parang impiyerno ng Pilipino kaysa pamahalaang pinatatakbong parang langit ng Amerikano.” Tingnan at suriin n’yo ang nangyayari ngayon sa gobyernong Pilipino at sa kahabag-habag na kalagayan ng mga Pinoy na sagana sa kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho (KKK), sa ilalim ng mga lider natin na Pilipino nga ay inutil naman, upang sumagana ang buhay ng taumbayan.
Hindi ko sinasabi o sinasang-ayunan na patakbuhin ang bansa ng mga Kano, pero isang nagdudumilat na katotohanan na hanggang ngayon, milyun-milyon pa ring kababayan natin ang nagtutungo sa US upang matamo ang tinatawag na “American Dream”. Ang kailangan talaga ay isang leader na makabayan, tapat sa paglilingkod at hindi masisilaw sa tukso at kinang ng PDAF at DAP. Ang kailangan ay tunay na pagbabago, hindi lang sa salita kundi sa gawa at paglilingkod.
Nangako si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na bibilisan ng Supreme Court ang pagtalakay at pagresolba sa mga urgent at nag-aapoy na isyu tungkol sa halalan. Hindi niya papayagang makahadlang ang “holiday frenzy” sa paglutas ng mga kontrobersiya. Kabilang sa kakaharapin ng SC ang mga DQ na iniharap laban kina Poe at Duterte.
Patuloy sa pagbanat si PNoy sa mga kalaban ng kanyang “bata” na si Mar Roxas na hanggang ngayon ay kulelat sa Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia. Hanggang si Roxas ay nananatiling “political clone” ni PNoy, at hanggang hindi siya nagiging “his own man”, mananatili siyang kulelat para sa mga botante! (BERT DE GUZMAN)