DAVAO CITY – Isang sundalo at isang tauhan ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at isang sibilyan ang nasawi makaraang masabugan ng landmine na itinanim ng New People’s Army (NPA), dakong 6:30 ng gabi nitong Sabado, sa KM 11, Barangay Cabuyoan sa Mabini, Compostela Valley.

Labing-apat pang sundalo mula sa 1001st Brigade at isa pang sibilyan ang nasugatan sa nasabing pag-atake, ayon kay Captain Rhyan Batchar, chief information officer ng 10th Infantry (Agila) Division.

Kritikal ang lagay ng sugatang sibilyan, ayon sa report.

Sinabi ni Batchar na nagsasagawa ng regular na Peace and Development Outreach program sa lugar ang mga sundalo nang masabugan sila ng landmine na pinaniniwalaang itinanim ng NPA.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kinondena naman ng Joint Peace and Security Coordinating Council (JPSCC) ng Compostela Valley at 10th ID ang patuloy na paggamit ng NPA ng landmine.

“This act of the NPAs is a clear violation on the provisions of the Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) where the CPP-NPA-NDF is a signatory. This is also a violation of the UN Convention against the use of landmines,” saad sa pahayag ng JPSCC.

Samantala, sa hiwalay na insidente noong nakaraang linggo, nakaengkuwentro ng 69th Infantry Battalion ang NPA, na nasa ilalim ng Guerilla Front 56 at Pulang Bagani Company 1 (PBC 1) ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) sa Paquibato District dito nitong Disyembre 11 at 12.

Sinabi ni Batchar na isang sundalo, si PFC Johnhill Victor Alarcon, ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa serye ng sagupaan. (Alexander D. Lopez)