SULTAN KUDARAT, Maguindanao – Sinimulan na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Sabado ang paglulunsad ng mga lokal na inisyatibo upang muling pag-isahin ang puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF) para bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatatag ng isang Bangsamoro autonomous entity.

Pinangunahan ni MILF First Vice Chairman Ghazali Jaafar ang pulong sa farm ng kanyang pamilya sa isang barangay dito, na nagkasundo siya at ang mga nagtatag ng orihinal na MNLF na hindi magagawa ng gobyerno na isabatas ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at kinakailangang i-pressure ang mga mambabatas upang maobliga ang gobyerno na ipatupad ang kasunduang pangkapayapaan na una na nitong pinagtibay sa dalawang revolutionary front.

Bukod sa pinaniniwalang “lack of political will” ng gobyernong Aquino at ng mga nakaraang administrasyon, ang hindi pagkakasundo ng mga opisyal ng MNLF tungkol sa mga isinusulong ng MILF para sa isang makabuluhang awtonomiya ay nakaaapekto rin sa anila’y hindi pagseryoso ng Kongreso sa BBL, ayon kay Jaafar.

Tinutukoy ni Jaafar ang “divided” na puwersang MNLF nina Nur Misuari, Abulkhayr Alonto, at Muslimin Sema, na ngayon ay pawang nagsisilbing chairman ng grupo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Si Alonto, founding vice chairman ng MNLF, ay itinaas sa chairmanship ng tinatawag na “original central committee”, at si Sema naman ang hinirang na pinuno ng “Council of 15” ng MNLF. Magkahiwalay na nagpahayag ng suporta sina Alonto at Sema sa pakikipag-usap ng MILF sa gobyerno para sa pagpapasa ng BBL, na labis namang tinututulan ni Misuari.

Dumalo sa pulong nitong Sabado si Alonto kasama ang mahigit 10 miyembro ng “Top 90” pioneers ng MNLF, habang ipinadala naman ni Sema si Romeo Sema bilang kanyang kinatawan. Hindi naman nakapagpadala ng emisaryo si Misuari bagamat nangako siya. (Ali G. Macabalang)