BUMABANDERA ngayon si Davao City Rodrigo “Digong” Duterte sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Nob. 26-28, matapos magdeklara na tatakbo siya sa pagkapangulo katambal si Sen. Alan Peter Cayetano. Tapos na rin ang kanyang pag-uurong-sulong. Abangan natin kung ito’y magbabago, dahil nang gawin ang survey ay hindi pa niya minumura si Pope Francis.

Sa nasabing SWS survey, nagtamo si Mayor Digong ng 38% samantalang nagpatas naman sina VP Jojo Binay at Sen. Grace Poe na kapwa tig-21%. Ang pambato ni PNoy at ng Liberal Party na si Mar Roxas ay nakakuha lang ng 11%, at si Sen. Miriam Defensor Santiago ay 4%.

Lumalabas na talagang “game changer” ang machong alkalde sa “political landscape” ng mga kandidato sa panguluhan.

Kung si PNoy ay may slogan na “Tuwid na Daan”, ang sabi naman ni Tata Berto sa akin, si Duterte ay may slogan na “Diretso sa Libingan”. ‘Di ba papatayin niya ang drug pushers, smugglers, puputulan ng yagba ang rapist-murderers, at ipakakain sa isda ang mga timawa at mandarambong na pulitiko?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gayunman, may naniniwala pa rin sa “Tuwid na Daan” ni PNoy, na itutuloy raw ni Roxas. Ang Pamilya Tecson na kababayan ko sa San Miguel at Baliuag, Bulacan ay kampi kay Roxas dahil ang lola ni Mar na si Donya Trinidad de Leon Roxas ay taga-San Miguel.

Naniniwala pa rin si Manila LP vice mayoralty bet Benjamin “Atong” Asilo sa Tuwid na Daan nina PNoy at Mar. Ayon kay Rep. Atong, itinuturing ngayong “Siga ng Tondo”, maraming pagbabago at pag-unlad sa ilalim ng PNoy admin. Binanggit niya ang ginhawa at pakinabang ng mahihirap at dukha sa 4Ps ng administrasyon.

Anak ng tindera sa Pritil, siya ngayon ang makabagong “Siga ng Tondo” (hindi na si Asyong Salonga) dahil sa malasakit sa sektor ng mga kapus-palad, senior citizens, nagugutom at kulang sa buhay. Katambal niya si Alfredo Lim, na dating alkalde ng lungsod at sinasabing malakas ang hatak ngayon vs. Erap Estrada.

***

By the way, may babala si Comelec chairman Andres Bautista na baka hindi matuloy ang halalan sa 2016 dahil sa inisyung TRO sa “No Bio, No Boto”. Malaki raw ang epekto nito sa preparasyon ng Comelec, ayon kay Mang Andres.

***

Talagang magaganda ang mga Pinay. Nanalo si Angelia Ong bilang Miss Earth 2015 sa paligsahan ng may 85 kandidato sa Marx haile, Vienna, Austria. Isang Pinay rin, si Miss Earth 2014 Jamie Herrel ang nagkorona sa kanya. Back-to-back victory!

***

Naaalala ko tuloy ang hinangaan kong mga dilag noong ako’y nasa baryo pa at nagbubukid, hanggang noong ako’y nag-aaral sa UST. Nasaan na kaya sila ngayon? (BERT DE GUZMAN)