Muling pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na suriing mabuti ang bibilhing Christmas lights na gagamiting dekorasyon sa mga bahay ngayong nalalapit na ang Pasko.

Ayon sa DTI, dahil Disyembre na ay mas maraming peke o sub-standard Christmas lights ang inilalako sa mga bangketa, tiangge, at maliliit na tindahan sa Metro Manila.

Pinapayuhan ang mamimili na unahing tingnan ang label ng bibilhing produkto kung may genuine Import Commodity Clearance (ICC) sticker na nakakabit dito, na nagpapatunay na dumaan ito sa masusing pagsusuri ng DTI.

Isa sa sanhi ng sunog tuwing Pasko ay ang mga peke at walang ICC sticker na Christmas lights na karaniwang nabibili sa mababang presyo sa mga bangketa at tindahan sa lansangan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tiniyak ng DTI na paiigtingin pa nito ang operasyon kontra sa substandard Christmas lights, at istriktong mag-iinspeksiyon sa mga tindahan, maging sa shopping malls, para protektahan ang kapakanan ng mamimili.

Noong Nobyembre 12, umabot sa 846 na set ng hinihinalang pekeng Christmas lights at walang ICC stickers ang nakumpiska ng mga opisyal ng DTI sa 11 tindahan sa Cubao, Quezon City. (Bella Gamotea)