Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang 12 opisyal ng gobyerno kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa maanomalyang paggamit sa P54-milyon pork barrel fund ni dating Benguet Rep. Samuel Dangwa noong 2007 hanggang 2009.

Kabilang sa mga ito sina Gondelina Amata, Chita Jalandoni, Emmanuel Alexis Sevidal, Ofelia Ordoñez, Filipina Rodriguez, at Sofia Cruz, pawang opisyal ng National Livelihood Development Corporation (NLDC); Dennis Cunanan, Marivic Jover, Consuelo Lilian Espiritu, at Belina Concepcion, pawang opisyal ng Technology Resource Center (TRC); at Victor Cacal at Romulo Relevo, ng National Agribusiness Corporation (Nabcor).

Sa 58-pahinang desisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, ipinataw niya ang parusa matapos mapatunayang matibay ang ebidensiya laban sa mga ito sa reklamong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service sa kasong administratibo.

Sa record ng Ombudsman, tumanggap si Dangwa ng P54 milyon bilang bahagi ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na ipinadaan sa mga non-government organization (NGO) ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, na nagsilbing implementing agencies ang NLDC, NABCOR at TRC.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinukoy ng Ombudsman na ang nasabing pork fund ay para sa pagbili ng mga livelihood at agricultural assistance kit at package.

Iprinoseso, minadali at inaprubahan ng mga opisyal ang mga transaksiyon at pagbabayad sa mga bogus na proyekto.

(Rommel P. Tabbad)