ANG animo’y kawalan ng solusyon sa pagpuksa sa droga at krimen at pagiging manhid ng pamahalaan o “Imperial Manila,” ang pinaghuhugutan ng hinanakit ng buong sambayanan kung kaya ito ang pansilab, sa pananaw ng ilan, sa umuusbong at napapanahong kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte. Tulad ng nailathala sa espasyong ito, ilang linggo ang nakalilipas, hinggil sa “lihim” ng isang kapatirang Pilipino na laging nangangarap pagkatapos pangakuan tuwing halalan, subali’t nabibigo dahil kahit huling pag-asa inaako ng kasakiman – walang magbabago, at walang pagbabago. Napapagod na ang mga Pilipino. Ayaw na sa karamihan ng mga pulitiko na nagbuburda ng hangin.
Si Duterte ay mukhang nasisilipan ng prangkang pakikitungo at diretsahang pagreresolba sa mga hamon lalo sa katiwalian – kahit murahin pa niya o sa mismong pananalita nito ay “papatayin”. Problema lang, tila bakit pati si Pope Francis ay dinamay? Matindi din ang huni ng “Federalism” sa plataporma ni Digong upang madampian ng agarang lunas ang palagiang sakuna na halos lahat ng tanggapan ng gobyerno nasa kapitolyo ng Pilipinas, 60% ng pamumuhunan at imprastruktura inilalagak sa Metro Manila at Luzon.
Karamihan sa mga nakaupong senador, presidente, at pati ba naman bise president ay taga-Luzon din? Subali’t Federalism ba ang solusyon sa nabanggit na suliranin? Malutong na “hindi!” Una sa lahat, inaako natin ang uri ng pamamahala na hindi nakaukit sa ating kasaysayan. Hindi natin pinagmulan ito. Porke ba galing Amerika ay aariin agad natin? Sila, na nagtayo ng kanya-kanyang estado sa pagsibol ng nasabing bansa, ay nagising magpanday ng pinag-isang pamahalaan sa ilalim ng Federal Government dahil nga noong kanya-kanya, watak-watak, at nagbabangayan pa, ay madaling kubkubin ng mga karatig bansa. Dahil dito nagpasukob sila para lumakas. Tayo ay isang estado na.
Aba’y bakit paghihiwalayin pa? At kung pondo at kapangyarihan lang ang pinagtatalunan, simple ang gamot. Magpasa ng batas na ang hatian sa nakokolektang pondo sa pagitan ng Nasyunal at mga probinsya 60%-40% o 50%-50%? May “automatic retention” pa sa pera. Ibig sabihin, kapag nakolekta ng LGU ay iaawas agad ang parte nito bago ipadala sa Nasyunal. Yang Federal ay peligro sa mapayapang pundasyon ng ating pagkakaisa bilang Republika.
(ERIK ESPINA)