NANG magkita kami ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko sa paborito kong kapihan, agad-agad niyang iminungkahi na palitan ko ang bansag kay Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte bilang “Urong-Sulong” o “Boy Dahilan”. Pagkatapos ng ilang lagok ng kape, tinanong ko siya kung bakit.

“Siya ay palamura. Mura rito, mura roon. Pati ba naman si Pope Francis nang dumalaw sa bansa noong Enero ay minura niya dahil siya raw ay naipit sa trapik ng limang oras patungo sa airport dahil sarado ang mga daan,” paliwanag ng friend ko. Dapat mong isulat sa kolum mo na siya ay si “Boy Mura”. Dagdag pa ng kaibigan ko: “Bakit ang hindi niya murahin ay si PNoy dahil sa bigat at tindi ng trapik noong APEC na dahilan ng paghina ng mga negosyo, nakanselang 1,364 na biyahe ng eroplano, nalugi ang airline industry ng $2 bilyon, hindi kumita ang arawang mga manggagawa dahil pista-opisyal, nagkasakit sa bato ang mga motorista dahil nababad sa lansangan ng maraming oras at hindi nakaihi.”

Tumango na lamang ako sa suhestiyon ng kaibigan ko dahil bumubula ang bibig sa galit at baka matalsikan pa ang kape ko. Sa Facebook nga ay sumulat ako ng ganito: “Mga Katoliko nawalan ng gana kay Digong Duterte na mura nang mura, dahil na-trapik minura ang Santo Papa. Aba, Mayor Digong, may kaluluwa ka ba? (Dapat mong murahin si PNoy sa APEC dahil sa dinulot na TrAPEC, nagkalintik-lintik, negosyo ay lugi, buhay tumiwarik!”

Para sa akin, si Digong ay popular at hinahangaan ng tao dahil sa prangkahang pananalita. Papatayin umano niya ang mga drug pusher, smuggler, rapist-murderer at iba pa. Sa isang okasyon, sinabi niya sa mga rapist na puputulan niya ng bayag ang mga ito kapag sila’y nahuli. Sabi nga ni UST Prof. Edwin Tayao, isang political analyst, gusto ng publiko ang pagmumura ni Duterte bunsod ng kahinaan ng gobyerno na ngayon masugpo ang illegal drugs, patayan, kaliwa’t kanang mandurukot at nakawan. Wake up, Mr. President.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isipin ninyo, kontra siya sa kurapsiyon. Ipakakain niya sa isda ang mga tiwaling pulitiko, ipalululon ang bala sa mga tauhan ng Office of Transport Security (OTS) na nambibiktima ng OFWs sa paliparan. Inamin din niyang dalawa ang asawa, at dalawa ang girlfriend ngayon kaya siya ay gumagamit ng viagra!

Gayunman, ang pagmumura niya kay Lolo Kiko dahil lang sa siya ay naipit sa trapik, ito ay foul na foul. Tiyak ko, marami siyang tagahanga at supporters na nag-iisip-isip na ngayon. Anong uri itong ating magiging presidente?

Babaero na, palamura, killer pa at walang galang sa Santo Papa. Tandaan mo Mayor na mahigit 80 porsiyento ng ating populasyon ay Katoliko. (BERT DE GUZMAN)