“No pets left behind!”
Ang mga katagang ito na madalas nababasa o naririnig sa mga ulat tuwing tag-ulan para sa mga alagang hayop ay naaangkop din sa panahon ng tag-init dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Red Cross (PRC), ang mga alagang hayop, ay sensitibo sa init na nararamdaman sa bansa dahil sa mas limitado nilang kakayahan i-regulate ang temperatura ng katawan.
Ilan sa mga sintomas ng heat-related illnesses sa mga alagang hayop ay ang pagkabalisa, hirap sa paghinga, panghihina, kakaunti o hindi pag-ihi, at lubos na pagkahingal.
Kaya narito ang ilang tips upang mapanatiling ligtas ang fur babies sa kasagsagan ng matinding init:
Limitahan ang anumang physical at outdoor activities
Mahalagang tandaan na dahil limitado ang kakayahan ng mga alagang hayop makapag-regulate ng temperatura sa katawan, ang pagod na mararamdaman nila mula sa anumang physical at outdoor activities ay maaaring magpasidhi ng init na maramramdaman nila mula sa panahon.
Isa pa sa dapat tandaan ay dahil sa pagiging sensitibo ng kanilang paws, maaari itong masunog at masugatan kung maglalakad sila sa semento sa kasagsagan ng init.
Tiyaking may sapat na malinis at malamig na tubig ang fur babies
Ipinapayo rin sa iba’t ibang pag-aaral na nakatutulong sa mga alagang hayop ang pagkakaroon ng malamig at malinis na tubig upang maibsan ang init na kanilang nararamdaman.
Ilan sa “tried and tested” tricks ng marami ay ang paglalagay ng yelo sa water bowl ng fur babies.
Tiyaking nasa malamig o preskong lugar ang fur babies
Partikular sa mga oras na tirik ang araw, mahalagang ilagay ang alagang hayop sa isang airconditioned na kuwarto, o kaya’y sa isang lilim, presko, o kaya’y sa malamig na lugar na mayroong malinis at malamig na tubig.
Gawing mas fun ang mainit na panahon sa pamamagitan ng “hydrating and cool” treats
Para naman lagyan ng “twist” ang pagpapalamig sa alaga, ipinapayo rin sa maraming pag-aaral ang frozen treats tulad ng carrot sticks, seedless watermelon cubes, at banana slices.
Gayundin ang DIY (do-it-your-own) popsicles na gawa sa pet-friendly yogurt o iba pang prutas.
Iwasang iwan ang fur babies sa loob ng sasakyan
Ang init na nakukulob sa loob ng sasakyan ay maituturing na “fatal” sa mga alagang hayop dahil sa mabilis na pagtaas ng temperatura rito.
Ang insidenteng ito ay nagdudulot ng organ damage at pagkasawi ng alagang hayop.
Sa anumang panahon, importanteng tandaan na ang pagkupkop ng hayop sa pamilya ay isang responsibilidad.
Parte ng responsibilidad na ito ang pagkalinga at pagbibigay ng halaga sa mga pangangailangan ng hayop na nasa pangangalaga.