Patay ang isang pitong taong gulang na batang lalaki matapos siyang pagpapaluin ng dos por dos na kahoy sa pangunguha niya ng bunga ng mangga sa Zamboanga del Norte.
Ayon sa mga ulat, pumasok sa isang private property ang biktima upang mamitas ng mga bunga ng mangga. Naispatan umano siya ng 55 taong gulang na may-ari ng naturang bakuran na agad na ikinagalit ang pamimitas ng biktima.
Batay na rin sa salaysay ng ilang nakasaksi, isang dos por dos na kahoy ang kinuha ng suspek at ipinagpapalo sa biktima.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na mga iilang pako pa raw na nakausli sa kahoy na pinaghihinalaang tumama sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima na ikinasawi nito.
"According sa interview sa witnesses, nahuli siya ng mayari ng puno. Based sa initial investigation pinagpapalo ng isang 'dos por dos.' Sa kasamaang palad, may iilang pako yung dos por dos. Maraming tama yung bata and yun ang tinitingn ng ating Municipal Health Office na pwedeng maging cause kaniyang death," ani Police Regional Office (PRO) 9 Spokesperson, Major Shellamie Cheng sa panayam sa media.
Samantala, naaaresto na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.