BORACAY ISLAND - Nais ngayong paimbestigahan ng Sangguniang Panglalawigan ng Aklan ang umano’y talamak na bentahan ng budyong o helmet shells sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan.
Ayon kay Provincial Board Member Soviet Russia Dela Cruz, chairman ng committee on agriculture, ang pagbebenta sa budyong bilang souvenir items ay mahigpit na ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Karaniwan umano itong galing sa Mindoro at dinadala sa Boracay para ibenta ng P500 pataas bawat isa.
Bukod sa helmet shells, may mga porcelain clam o China Clam din na nakukumpiska sa mga turista.
Kasalukuyang nakaimbak ang mga helmet shells na nakumpiska sa mga turista sa opisina ng BFAR.
Sinabi pa ni Dela Cruz na makikipag-ugnayan siya sa BFAR sa mga hakbangin para masugpo ang bentahan ng budyong sa Boracay. (Jun N. Aguirre)