PORMAL nang naghain ng kanyang certificate of candidacy (CoC) si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sa 2016 presidential election. Matapos maghain ng kandidatura si Boy Urong-Sulong, este Boy Dahilan, nagsipagbunyi ang kanyang supporters na para bang kanila na ang Malacañang, na para bang si Mayor Digong ay tiyak nang panalo sa pagkapangulo.

Tandaan n’yo na kailangan pa niyang dumaan sa pagsusuri ng Comelec, dahil ang pinalitan niyang si Martin Diño ay nag-withdraw noon pang Oktubre 29. Bukod dito, sinabi ng batikang election lawyer na si Romulo Macalintal na depektibo ang paghahain ng CoC ni Diño dahil ang inilagay nito sa application form ay bilang kandidato sa pagka-mayor ng Pasay City.

Ako man ay hanga sa machong mayor ng Davao City, dahil nalinis niya at napatahimik ang siyudad sa mga kriminal.

Bukambibig niya ang salitang papatayin ang mga ito kapag hindi umalis sa Davao City o magbabago. Nangatakot, kaya naging payapa ang lungsod. Mabuhay, Duterte!

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Subalit ang Davao City ay hindi ang Pilipinas na maaaring isagawa ang paglikida sa umano’y masasamang-loob.

Kailangang dumaan at sundin ang proseso ng batas, at hindi basta-basta pagbababarilin sila na parang mga manok.

Nakaaakit sa ordinaryong mga tao ang palabang pahayag ni Mayor Digong, kaya posibleng siya ay iboto.

Pero ang tambalang TE-TANO (Duterte-Cayetano) ay nahaharap pa rin sa matinding mga kalaban, gaya nina Bi-Hon, Ro-Ro, Poe-Francis, at Mir-Mar. Isasama pa ba natin dito si ex-Amb. at ngayon ay Rep. Roy Señerez? Para kay LP vice presidential bet Leni Robredo, mapanganib sa bayan ang mensahe ng karahasan na pinalulutang ni Boy Dahilan. Ang tinutukoy ni Leni ay ang gagawing pagsugpo sa kriminalidad, gaya ng paglikida sa drug pushers, rapist-murderers, smugglers, atbp.

Umaani ng pagpuri, paghanga at pag-iidolo ang ganitong mga pahayag, sapagkat laganap ang karahasan at kaguluhan sa bansa. Sana naman ay ihayag ni Duterte ang plataporma niya upang lumusog ang ekonomiya, paano malulutas ang pag-angkin ng China sa West Philippine Sea, at kapayapaan sa Mindanao? Sabi nga ni Rep. Leni, nagawa ng yumao niyang mister na si Jesse Robredo na umunlad ang Naga City; naging tahimik, natuldukan ang jueteng, sa aktibong partisipasyon ng taumbayan, hindi sa karahasan kundi sa good governance at pagiging fiscalizer. (BERT DE GUZMAN)