Lumikas ang may 50 pamilya makaraang sumiklab ang kaguluhan sa Sitio Sinapingan sa Barangay Butril, Palembang, Sultan Kudarat.
Kinumpirma ni Mary Lou Geturbos, ng Philippine Red Cross (PRC)-Sultan Kudarat, ang report ng paglikas ng 250 katao mula sa naturang lugar.
Lumikas ang mga residente kasunod ng sagupaan ng Philippine Marines Battalion Landing Team 6 at ng grupo ni Kumander Tokboy Maguid, ng Ansar Kalifah Philippines (AKP).
Si Maguid ay dating miyembro ng 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Umano’y nagpahayag ng suporta sa international terror group na Islamic State (IS), kinukumpirma pa ng militar ang katotohanang ang AKP ay isang local terrorist group.
Nabatid na nasawi sa nasabing labanan ang walong armadong lalaki, na ang isa ay dayuhan at pinaniniwalaang trainer sa paggawa ng improvised explosive device (IED).
Ayon kay Geturbos, wala sa mga evacuation center ang mga lumikas kundi nakikitira sa kani-kanilang kamag-anak.
Namahagi na rin ng relief goods at pyscho-social support sa mga apektadong residente. (Fer Taboy)