Hinamon ni Vice President Jejomar Binay ang gobyerno na isulong ang dagdag-sahod para sa daan-libong guro ng mga pampublikong paaralan upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kasabay ito, binigyang-diin din ng standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA) na hindi sapat na maipatupad ang panukalang salary standardization upang maging sapat ang suweldo ng mga public school teacher.

“Mas makabubuti kung ia-adjust ang sahod ng Teacher 1, mula sa kasalukuyang Salary Grade 11, hanggang Salary Grade 19,” panukala ni Binay.

Aniya, ang buwanang sahod na P18,549 ng isang entry level teacher ay tataas lang ng 11 porsiyento, o P20,754, sa ilalim ng panukalang salary standardization ng gobyerno.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Matapos ang apat na bagsak ng salary hike na magtatapos sa 2019, hindi na mararamdaman ng mga guro ang dagdag-suweldo dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” dagdag ng leader ng oposisyon.

Sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa, iginiit ng bise presidente na ang de-kalidad na edukasyon ang susi sa pagresolba sa kahirapan sa bansa.

Tiniyak ni Binay na patuloy niyang pangangalagaan ang kapakanan ng mga guro, dahil maging ang kanyang anak na si Sen. Nancy Binay ay naghain na ng ilang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga public school teacher. (Ellson A. Quismorio)