NAKATIKIM pala ng pambu-bully si Ysabel Ortega sa dating eskuwelahan niya kaya siya lumipat sa Reedley International School. Sixteen years old at senior na siya kaya magtatapos na siya ng high school sa susunod na taon.
Nu’ng una, ang katwiran ni Ysabel nang tanungin kung bakit siya lumipat, “Kasi po malayo ang Colegio San Agustin sa bahay namin kasi I live in Quezon City po, so itong Reedley, mas malapit kasi it’s in Libis lang at saka hindi ko lang po siguro feel ‘yung school, siguro po I thought I would be in better school po.”
Pero sa kalaunan ng pag-uusap namin, tinanong namin si Ysabel kung nakatikim siya ng pambu-bully dahil nga sa sitwasyon niya bilang love child ni Sen. Lito Lapid kay Michelle Ortega.
“Sa dati ko pong school, nakatikim po ako ng pambubuly, malakas po ang bullying do’n,” pag-amin ng dalagita.
Kumusta naman ang relasyon nilang mag-ama?
“Isang taon na po kaming hindi nagkikita, no calls po, siyempre po, may kurot, hindi naman maiiwasan,” pag-amin ni Ysabel.
May katotong nagbiro na mabuti na lang daw at sa Ortega nagmana si Ysabel kaya maganda, dahil kung sa Lapid side ay baka raw hindi ganito ang beauty niya.
“Ha-ha-ha, guwapo naman po si Papa,” natawang sabi ng magandang anak ni Lito.
Close ba siya sa mga Lapid?
“Mas close po ako sa mga Ortega, sa mother side ko po.”
Nami-miss ba ni Ysabel ang tatay niya?
“Sobra po, sobra po, siyempre po,” paulit-ulit na sabi ng bagets.
Sa mga anak ni Sen. Lito ay si Mark Lapid lang daw ang nakilala ni Ysabel.
“Si Kuya Mark lang po ang nakilala kong kapatid ko. Nag-meet po kami once or twice lang.”
Ang sekretarya ni Sen. Lito Lapid ang nakakausap ni Ysabel kaya tinanong namin kung ano ang katwiran sa kanya kung bakit hindi ang ama ang nakakausap niya.
“Siguro po busy lang, kasi mangangampanya na po,” katwiran ni Ysabel.
Hindi ba nagtatampo si Ysabel na isang taon nang walang pangungumusta o text man lang ang ama?
“Hindi po ako magtatampo sa daddy ko kasi daddy ko pa rin po siya, at the end of the day, mahal na mahal ko po ang daddy ko, I will always be there for him,” naiiyak nang sabi ng dalagita.
Kung biglang tumawag si Sen. Lito kapag nababasa ang panayam sa kanya, ano ang sasabihin niya?
“Ah, na-miss ko na po siya,” sagot sabay tulo ng luha ni Ysabel na sinabayan din agad ng punas ng kamay.
Humingi ng dispensa si Ysabel dahil hindi raw niya napigilang mapaluha, at humingi rin kami ng paumanhin dahil sa mga tanong na masyadong personal.
Pero nakahanda naman daw siya sa mga itatanong sa kanya danga’t hindi lang niya napigil ang luha kasi sobrang miss na niya ang ama.
Inamin na rin ni Ysabel na isang taon na siyang walang suportang pinansiyal galing sa ama kaya ang Mama Michelle niya ang nagpapaaral sa kanya.
Hindi ba tinatanong ni Ysabel sa mama niya kung bakit tumigil ang financial support?
“hindi naman po kasi dati pa, alam ko na ang situation namin, bata pa lang po ako alam ko na, mga 3-4 years old po ako.”
Sa showbiz ay Ysabel Ortega ang gamit ng bagets pero sa eskuwelahan at sa mga papeles ay Lapid ang ginagamit niyang apelyido.
May sariling pamilya na ba ang mama niya?
“Wala po, kaming dalawa lang po, single po but too busy to entertain po kaya single po siya ngayon,” natawang sagot ni Ysabel.
Sa bago niyang school, tanggap siya at higit sa lahat ay suportado ng ilang kaklase at teachers ang pag-aartista at pagganap niya bilang si Angela na ka-love triangle nina James Reid at Nadine Lustre sa On The Wings of Love.
“Mga teachers at classmates ko po nagsabi na layuan ko si Clark (James) at Lea (Nadine) kasi nga bina-bash ako,” masayang kuwento niya. “Marami pong namba-bash like ‘oy, malandi ka layuan mo si Clark, aabangan ka namin sa labas.”
Apektado ba siya sa pagpipista ng bashers sa kanya?
“’Yung iba po, medyo below the belt, pero naiintindihan ko naman po kasi alam kong part ‘yun na mag-cause ng conflict at galitin ang audience.”
Paano niya inihanda ang kanyang sarili sa bashers?
“Lahat po, si Tito Ogie (Diaz, manager niya) po, sabi niya, ‘Nak ‘wag kang ma-hurt, ha, ‘pag bina-bash ka, ibig sabihin effective ka sa character mo, effective ‘yung role mo, take it as a compliment’.
“’Yun din po ang sabi ng mommy ko, na ‘huwag akong mahu-hurt kasi siyempre it’s part of the role talaga na ma-bash ka.’ So ‘yun po, I take it as a challenge ‘yung mga iba, ‘tapos ‘yung iba iniintindi ko, ‘yung iba nga nakakatawa pa, eh. Binabasa ko po lahat ng bash sa akin pero hindi ako sumasagot, pero wala namang instant na umiyak ako, nasasaktan lang.”
Si James ang unang nakaeksena ni Ysabel sa OTWOL at inamin niyang kinabahan siya.
“Nu’ng una po sobra akong kinabahan, kasi ito po ang first project ko, wala akong commercials. Saka veteran na silang actors ni Ate Nadine.”
Supportive sa kanya si James sa una nilang eksena.
“May mga ibinibigay po siyang tips lalo na po nu’ng nalasing ako, sabi niya slur mo ‘yung words mo ng konti para you look tipsy, medyo nahuhulog ka na. Ginagabayan naman po niya ako.”
Nakaeksena na rin niya si Nadine.
“She’s very nice po, si Ate Nadine, wala akong masasabing hindi maganda to both of them.”
Natawa nga raw si Ysabel dahil nu’ng ipakilala siya kay James ay, “So, ‘you’re the love triangle, very nice po sila sa pag-welcome sa akin, happy set po kami.”
Nakaramdam ba siya na type siya ni James na mahilig nga raw sa tisay?
“Friends po kami, walang ganu’n po. Working relationship lang po kami,” tumatawang sagot ng dalagita.
Hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend.
“Bawal po kay Mama, bawal din po kay Papa.”
Ibinuking ni Ysabel na kapag free time o naka-break sila sa On The Wings of Love ay natutulog sina Clark at Lea.
“They took advantage po of the free time kaya natutulog po sila Ate Nadine. Sometimes po, we talk naman sa set, we’re friends,” say ni Ysabel.
Kung sakaling magkaroon siya ng pelikula, ang gusto niyang papel ay, “Kahit ano po, romantic comedy, drama, pati horror po, maski maging aswang ako sa movie tatanggapin ko po, okay lang po sa akin.
“Sinasabi po nina Tito Ogie at mama na ‘to take advantage of any opportunity you have’ kasi po kung hindi ko gagalingan, it would be my last,” kuwento ni Ysabel.
Inamin ni Ysabel na dumaan siya sa audition sa On The Wings Of Love kaya sobrang saya niya nang makapasa siya at sobrang nagpapasalamat din siya sa Dreamscape Entertainment lalo na raw kay Mr. Deo Endrinal. (REGGEE BONOAN)