ANG laglag-barya, tanim-bala, at tanim-DQ ay pare-pareho lang.
Ang laglag-barya ay nagaganap sa mga kalsada, ang tanim-bala ay sa NAIA ngunit ang tanim-DQ ay nagaganap ngayon sa pulitika.
Ang tanim-DQ ay ang mga disqualification case na inihahain laban kay Sen. Grace Poe. Kung anu-anong kaso ang inihahain laban sa kanya na alam naman nating gusto lamang pigilan sa pagtakbo si Poe. Kulang umano siya sa panahong inilagi sa bansa, at hindi umano niya alam ang kanyang nationality dahil napulot lamang at “AMPON”.
Nang siya ay kumandidatong senador, na pareho rin naman ang mga kuwalipikasyon para sa pagkapangulo, ay hindi siya kinasuhan ng DQ. Bakit? Sapagkat ang akala noon ng mga kumakalaban sa kanya ngayon ay hindi siya mananalo. Hindi siya papansinin ng mga botante dahil isa lamang siyang “kawawang” Grace. Pero ano ang nangyari? Nanguna at hindi mabilang ng sampung luku-luko ang kanyang mga boto. Ngayong tumatakbo si Grace bilang pangulo ay natataranta ang kanyang mga kalaban.
Noong sinusuyo pa lang siya ni PNoy para maging Vice President ni Roxas, walang lumilitaw na kasong DQ. Tama si Vice Mayor at ngayo’y kumakandidatong Senador na si Isko Moreno, na ang mga kasong ito na ipinupukol kay Poe ay planado.
At sinabi pa niyang ang may kagagawan nito ay ang mga makikinabang kung matatanggal si Poe sa karera.
Sinabi rin ni Isko na hindi kasalanan ni Poe na maging PULOT o AMPON na isa sa mga dahilan ng nagsipaghain ng diskuwalipikasyon at kumukuwestiyon sa pagka-Pilipino nito.
Ang mga PULOT o AMPON ay hindi dapat parusahan. Ang dapat sa mga ito ay unawain at kaawaan.
Kasalanan ba ng bansa kung magkaroon ito, kung sakali, ng isang Pangulong AMPON? Hindi ba lalong kasalanan kung maghahalal tayo ng isang pangulong walang tingin sa mahihirap o isang pangulong mandarambong?
BIRONG PINOY
PINDUKO: Judge, puwede po bang magtanong?
JUDGE: Aba, oo. Ano ba ang itatanong mo?
PINDUKO: Puwede po bang tumakbo sa pagkapangulo ang isang AMPON?
JUDGE: Hindi. Kasi hindi mo alam ang nationality niya eh. Baka Ruso, baka Amerikano, o baka anak siya ng Alien.
PINDUKO: Kahit na po sa simbahan siya sa Iloilo napulot?
JUDGE: Oo. Basta bawal ang PULOT at AMPON.
PINDUKO: Judge, taga saan po ba kayo?
JUDGE: Sorry, iho, hindi ko alam. Kasi AMPON din ako eh. (ROD SALANDANAN)