Tutol si Senator Aquilino Pimentel III sa plano ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng botohan sa mga shopping mall.

Ayon kay Pimentel, pakulo lang ito ng Comelec para maranasan ang “air-conditioned voting experience”, at labag, aniya, sa Omnibus Election Code.

Una nang sinabi ng Comelec na “approved in principle” na ang nasabing plano, na pakikinabangan ng may dalawang milyong botante.

Sinabi ng senador na malinaw na nakasaad sa batas na tanging kapag may “emergency” lang maaaring magsagawa ng botohan sa mga pribadong lugar.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

“Hindi naman emergency ‘yan. Dapat sumunod sa policy, which is a public place, accessible sa lahat. Iyan ang polisiya,” paliwanag ni Pimentel.

Aniya, sa susunod na pagdinig ay aalamin niya sa Comelec kung ano ang naging batayan ng poll body para isulong ang mall voting.

Sinabi pa ni Pimentel na hindi maiiwasang pagdudahan ang resulta ng mall voting, lalo at may kani-kanyang suportadong kandidato ang mga may-ari ng mga mall na ito. - Leonel Abasola