Pinakakasuhan ng falsification sa Sandiganbayan si Makilala, Cotabato Vice Mayor Ricky Cua dahil sa maanomalyang pagbili ng 314 na reading eyeglasses noong 2003.
Bukod sa dalawang bilang ng falsifaction, nahaharap din si Cua sa paglabag sa Section 65(3) ng RA 9184 (Government Procurement Reform Act) at Section 7(a) ng RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Pinaakakasuhan din ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) na sina Roel Caoagdan, Mario Ranis, Edwin Arellano, Pio Abonado, Jr., at Giovanni Ignacio, dahil naman sa dalawang bilang ng falsification of public documents.
Ayon sa Ombudsman, nakitaan ng probable cause ang reklamo laban kay Cua at sa limang kasamahan ng bise alkalde makaraang matuklasan na bumili ang bise alkalde ng mga antipara na nagkakahalaga ng P99,000 at humihingi ng reimbursement sa lokal na pamahalaan.
Sa kagustuhang mapabilis ang pagbabayad sa kanya, pinalsipika ni Cua ang mga cash invoice (na nagmula sa supplier) at ang abstract of canvass nito.
“It was Cua himself who purchased the eyeglasses, and who prepared and processed the supporting documents in order to get refunded of their supposed value. Respondent Cua made use of the invoice in successfully obtaining the supposed reimbursement of the P99,000 in his favor, without which the refund would not have prospered,” saad sa resolusyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales. (Rommel P. Tabbad)