Isang lalaki ang dinakip ng barangay tanod matapos niyang pagkakagatin ang kanyang misis dahil sa matinding selos, sa Malabon City, nitong Martes ng gabi, sinabi ng pulisya kahapon.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si George Igad, 55, jeepney driver, na ipinakulong ng asawa niyang si Mary Igad, 56, kapwa ng Barangay Tanong.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 9:45 ng gabi nang lasing na umuwi ng bahay ang suspek at inakusahan ang kanyang misis na may relasyon sa ibang lalaki. Nang tumanggi ang biktima, nagalit ang mister at pinagkakagat sa leeg at braso ang ginang.

Batay sa mga report, narinig ng mga kapitbahay ang pag-aaway ng mag-asawa, kaya pinuntahan nila ang bahay ng mga ito at naabutan nilang duguan at humihingi ng tulong ang biktima.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dakong 10:00 ng gabi nang arestuhin ng mga barangay tanod ang suspek, habang agad namang isinugod sa ospital ang biktima.

Sinabi ng ginang na hindi ito ang unang pagkakataon na sinaktan siya ng kanyang asawa, at hindi na niya palalampasin ito.

“Hindi ko na kaya. Kung anu-ano ang ibinibintang niya sa ‘kin, ‘di ko naman ginagawa. Mahal ko ang asawa ko, pero dapat siyang turuan ng leksiyon, kaya kinasuhan ko na siya,” anang biktima. (Jel Santos)