SA mahigit 100 milyong populasyon ng Pilipinas, nasa 54.6 milyong Pilipino ang rehistradong botante na pipili ng ihahalal na presidente bilang kapalit ni PNoy. Kasama sa mga pagpipilian sina Sen. Grace Poe, VP Jojo Binay, ex-DILG Sec. Mar Roxas, Sen. Miriam Defensor Santiago, ex-Ambassador Roy Senerez, ex-Iloilo Rep. Augusto Syjuco at iba pa.
Kasama pa kaya sa listahan ng Commission on Elections (Comelec) sina Lucifer, Lapu-Lapu at Hitler?
Ang kapangalan ni Mar Roxas na si Manuel Antonio Roxas ay umatras na sa pagtakbo sa panguluhan. Ang tunay na pangalan ng ginoo ni Korina Sanchez ay Manuel Araneta Roxas II. Lolo niya si ex-Pres. Manuel Acuña Roxas na ang napangasawa ay ang beauty queen noon na si Trinidad de Leon, taga-San Miguel, Bulacan.
Ang kapangalan niya ay si retired police general Manuel Antonio “Mar” Roxas. Kung hindi ako nagkakamali, inabutan ko pa siya sa serbisyo noong nagko-cover pa ako sa Camp Aguinaldo at Camp Crame kasama sina Mon Tulfo, Ben Cal, Alex Allan, Cecilio Arillo at Sel Baysa bilang mga defense reporter. Ang bansag sa kanya noon ay “Manok”. Ewan ko kung bakit tinawag siya ng “Manok” sa kapulisan. Itatanong ko nga kina Alex o Sel.
Mula sa Balanga, Bataan, sinabi ni Sen. Grace na umaasa siyang magiging bukas ang kaisipan ng mga miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) tungkol sa disqualification case na inihain nina defeated senatorial bet Rizalito David, at ex-Sen. Kit Tatad. Ayon sa ulat, ang kapasyahan ng SET sa diskuwalipikasyon ay tiyak na makaaapekto sa libu-libong abandonadong bata (pulot) na maging second-class citizens kapag itinuring siyang hindi natural-born citizen. Noong 2013, tumanggap si “Ampon” ng mahigit 20 milyong boto. Nagtungo sina Poe at Sen. Chiz Escudero sa Balanga para dumalo sa isang open forum sa Bataan Peninsula State University.
Parang atubili ang mga opisyal ng Iglesia ni Cristo (INC) na dumalo sa pagdinig ng Department of Justice kaugnay ng kasong iniharap sa kanila ni expelled INC Minister Isaias Samson Jr. Bakit ayaw nilang dumalo kung talagang nasa panig nila ang katotohanan?
Watch the watchers o sa Tagalog ay “Bantayan ang mga bantay-salakay.” Ito ang utos ni PNoy sa NBI na bantayan at siyasatin ang umano’y TALABA (Tanim-Laglag-Bala) modus sa NAIA. Iniutos din ng binatang Pangulo sa lahat ng departamento at ahensiya na magpatupad ng kaukulang mga hakbang upang maantabayanan ang mga pangyayari sa paliparan at mapigilan umano ang mga tauhan ng Office of Transport Security (OTS) sa pagtatanim ng mga bala.
(BERT DE GUZMAN)