Muling kakasa si dating IBF light flyweight champion Johnreil Casimero ng Pilipinas na aakyat ng timbang upang hamunin si IBF super flyweight titlist McJoe Arroyo ng Puerto Rico sa Disyembre 18 sa Las Vegas Nevada, United States.
Dapat na kakasa si Casimero, kasalukuyang IBF No. 1 flyweight contender, sa kapatid ni MacJoe na si McWilliams Arroyo para sa eliminator bout kung sino ang magiging mandatory challenger ni IBF flyweight champion Amnat Ruenroeng ng Thailand ngunit umiwas ang Puerto Rican sa laban.
Huling lumaban si Casimero noong nakaraang Hunyo 27 sa Bangkok, Thailand kay Ruenroeng na dapat natalo sa disqualification pero kinilingan ng Amerikanong referee na si Larry Doggett na sinuspinde na ng IBF.
Sinabi ng promoter ni Casimero sa US na si Sampson Lewkowicz na malaki ang pag-asa ng Pinoy boxer na magwagi kay Arroyo na nanalo sa kontrobersiyal na 10th round technical decision kay ALA boxer Arthur Villanueva ng Pilipinas noong Hulyo 18 sa El Paso, Texas.
Itinigil ng Puerto Rican referee na si Rafael Ramos ang laban sa payo ng doktor nang mahalata nilang binubugbog na ni Villanueva si Arroyo kaya nanalo sa puntos ang kanyang kababayan.
Nagsasanay ngayon si Casimero sa Las Vegas sa ilalim ni trainer Jun Agrabio at malaki ang paniniwala ni Lewkowicz na muling magiging kampeong pandaigdig ang alagang boksingero.
May kartadang 21-3-0 win-loss-draw si Casimero na may 13 panalo sa knockouts samantalang si Arroyo ay may perpektong 17 panalo, 8 sa knockouts.