Inaasahang higit na pagtutuunan ng pansin ang Albay sa mundo ng biyahe at turismo matapos ilarawan ni Gov. Joey Salceda ang lalawigan bilang tunay na pangunahing tourist destination nang tanggapin ng opisyal ang parangal sa 2015 Pacific Asia Travel Association (PATA) CEO Challenge’s Top Destination Award meeting sa London, kamakailan.

Tiniyak naman sa gobernador ng mga higanteng travel and tourism player mula sa iba’t ibang bansa na isasama ng mga ito ang Albay sa kani-kanilang listahan ng priority destinations.

Isang maliwanag na pahiwatig ng pagdagsa ng mga banyagang turista sa Albay ang biglang paglobo ng registration attendance sa 2015 PATA New Frontiers Forum na idaraos sa Albay sa Nobyembre 25-27. Mula sa naunang 191 rehistradong dadalo ay bigla itong nadoble at humigit pa matapos ang London event, at inaasahang lalampas ito sa 600 ngunit kailangang hindi humigit sa 460.

Sa kanyang talumpati sa PATA advocacy dinner sa London, na dinaluhan ng 151 travel and tourism CEO mula sa Asia Pacific, binigyang-diin ni Salceda ang kabigha-bighaning mga atraksiyon sa Albay, na naging dahilan kaya napili ito ng PATA para sa unang paggagawad nito ng parangal.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ang pagkilalang tinanggap ng probinsiya ay para sa kategoryang Regional/Provincial, at kahati sa $1-million na gantimpala ang Thekkady, Kerala, India (second/third-tier cities). Inaasahan din ng gobernador na lalo pang sisigla ang turismo ng probinsiya kapag naisakatuparan na ang bagong tourism marketing strategy para sa Albay.

Kasabay ng parangal ang paglulunsad ng Pilipinas ng kampanyang “Visit the Philippines Again 2016” sa World Travel Mart sa ExCel Docklands sa London, na dinaluhan nina Salceda at Tourism Secretary Ramon Jimenez.