Doble-kayod ang Department of Health (DoH) upang labanan ang nakamamatay na sakit na dengue, na kalimitang nabibiktima ang mga bata.
Namahagi ng mga olyset net ang DoH-MIMAROPA sa mga paaralan sa Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan at namigay ng anti-dengue orientation sa mga guro at mag-aaral, bilang bahagi ng nationwide anti-dengue campaign ng pamahalaan.
May 685 rolyo ng olyset nets ang ipinamahagi ng DoH-MIMAROPA sa 43 elementary school sa buong rehiyon.
Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, sa kabuuan ay nasa 1,188 classroom na ang mayroong olyset net at 38,021 estudyante at 1,126 guro ang sumailalim sa anti-dengue orientation.
Batay sa datos ng DOH-MIMAROPA Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), mayroong kabuuang 2,722 kaso ng dengue ang naitala sa rehiyon mula Enero 1–Nobyembre 1, 2015. (Mary Ann Santiago)