Dalawang mambabatas ang nagsusulong na pagkalooban ng special economic assistance ang mga empleyado ng pamahalaan na may pinakamababang suweldo upang makaagapay sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Magkatuwang na inihain nina party-list Magdalo Reps. Gary C. Alejano at Francisco Ashley L. Acedillo ang House Bill No. 6113, na magkakaloob ng P5,000 special economic assistance, tatawaging Cost of Living Allowance (COLA).
Sakop ng panukalang batas ang lahat ng civilian government employee, sila man ay appointive o elective, umuukopa ng regular, contractual o casual na posisyon, na saklaw ng Republic Act No. 6758, o mas kilala bilang “Compensation and Position Classification Act of 1989,” gayundin ang mga militar at uniformed personnel. (Bert De Guzman)