KUNG ang mga bida man sa kalyeserye ng Eat Bulaga ay sina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub, hindi mabubuo ito kung wala ang tatlong lola na sina Nidora (Wally Bayola), Tidora (Paulo Ballesteros) at Tinidora (Jose Manalo).
Pero ang sentro sa tatlong lola ay si Wally na walang reklamo sa character niya bilang pinakamatanda sa kanila at siyang nagpalaki kay Yaya Dub. Bukod sa pagsayaw niya ng Dessert tuwing papasok siya sa kalyeserye, sa kanya ang mahahabang linya na laging nagpapaalaala sa mga tagasubaybay ng mabubuting kaugalian o good values nating mga Pilipino.
Wala ring reklamo si Wally na may dalawa pa siyang ibang characters na ginagampanan, bilang si Duhrizz na pasaway na apo ni Lola Nidora at ang pasaway na mayordoma sa mansiyon, si Rihanna. To top it all, noong Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon special sa Philippine Arena, ginampanan niya ang lahat ng tatlong characters, nagbibihis lamang siya sa likod ng mga Rogelio na nakapaikot na nakatayo sa stage.
Isama pa rito ng monologue niya sa pagkukuwento ng kanyang buhay bilang si Nidora, plus dance numbers pa nila nina Tidora at Tinidora.
No wonder na sa eksena na magkasama na sina Alden at Maine at iniwanan siya, nag-dialogue siya ng: “Tingnan mo nga naman, ngayong nagkahawakan na sila ng kamay, hindi na nila ako naalaalang alalayan.”
Of course, isa na naman lang iyon sa mabilis na hirit ni Wally na bago natapos ang show ay nakita pang nakipag-away sa mga riding in tandem na kumuha ng diary, na siyang nagpapatuloy ng mga pangyayari sa kalyeserye simula nitong Lunes.
Lahat ng ito ay ginagawa ni Wally para sa kanyang pamilya lalo na para sa kanyang anak na may brain tumor.
Sabi nga niya noon nang makausap namin, lahat ay gagawin niya para lamang makaipon ng perang pampagamot sa anak, kasama ang paghiling niya ng dasal para tuluyan na itong gumaling. Binigyan kasi ng doctor ng five years na gumaling ang anak niya at nakakadalawang taon na siya, ibig sabihin matagal pang gamutan ang tatlong taon.
Kaya kung naririnig nating binibiro nina Paulo at Jose na matamlay siya sa kalyeserye, dahil nagsi-set pa siya, ibig sabihin ay nag-show pa si Wally nang nakaraang gabi. Madalas ay inaabot na iyon ng after midnight, ‘tapos ay maaga pa siyang magri-report sa location ng kalyeserye.
Thankful din si Wally sa TAPE, Inc. dahil nakasama siya ni Maine sa 0+ cellphone at ngayon sa third TV commerial nina Alden at Maine ng McDo, na kasama silang tatlong lola.
“Okey lang sa akin iyon, basta ang mahalaga sa akin, patuloy akong nakapagpapasaya sa mga tao at natutulungan ko ang aking pamilya,” nakangiting sabi ni Wally. “Kaya salamat, salamat sa inyong pang-unawa at tulong.”