Isang 44-anyos na dating kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang natagpuang patay sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa report sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) headquarters sa Camp Karingal, kinilala ang biktimang si Raymond Jose, 44, tubong Cavite City, at kasalukuyang nakatira sa No. 12 Daisy Street, Area 8, Veterans Village sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Sinabi ni Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng Homicide Section ng CIDU, na batay sa paunang imbestigasyon, nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong 1:00 ng umaga sa Timbang Compound, Rose Street sa Veterans Village, Bgy. Pasong Tamo.
Nabatid na ipinagbigay-alam ng isang residente sa pulisya ang tungkol sa duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa bangketa sa Bgy. Pasong Tamo.
Sinabi ni Monsalve na batay sa report ng Scene of the Crime Operations (SOCO), nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa kanang dibdib.
Matapos kapanayamin ang pamilya ni Jose, nanawagan si Monsalve sa mga residente o sa sinumang nakasaksi sa krimen na lumantad para magbigay ng impormasyon sa krimen. (Francis T. Wakefield)