Gaya ng inaasahan, muling nasungkit ng Ateneo ang men at women’s title ng katatapos pa lamang na UAAP Season 78 swimming competition na ginanap sa Rizal Memorial Swimming Pool sa pangunguna ng pambato ng koponan na si Jessie Lacuna at Hannah Datu.
Sa simula pa lamang ng kompetisyon ay nakatipon na ang Blue Eagles ng 563 puntos para makamit ang ikalawang sunod at third overall men’s crown.
Tinapos ng 21-anyos at dating Olympian na si Lacuna ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng pagkopo ng kanyang ikapitong gold medal sa 200-meter butterfly sa tiyempong 2:06.37.
Nauna rito, nagwagi din noong Day 3 si Lacuna ng gold sa pamamagitan ng record performance sa 50-meter butterfly (25.31 seconds) at 400-meter individual medley (4:25.89), bukod sa pangibabaw sa 200-meter freestyle event.
Nagsipagwagi din para sa Ateneo si Aldo Batungbacal na binura ang dating record sa 1,500-meter freestyle record na itinala ni National University (NU) tanker Cesar Palacios (16:55.53) sa kanyang itinalang 16:49.89, Axel Ngui sa 50-meter backstroke (26.57) at 50-meter freestyle (23.23), Gian Silva sa 200-meter breaststroke (2:23.03) at 4x400-meter medley relay (4:06.07).
Natapos naman sa pangalawang puwesto ang De La Salle na may 286 puntos at pangatlo ang University of the Philippines (UP) na may 199 puntos.
Nagawa namang malusutan ng Lady Eagles ang huling hirit ng Lady Maroons para makamit ang ikalawang sunod at ikatlo ring overall women’s title.
Nakatipon ang Ateneo ng 428 puntos, siyam na puntos ang kalamangan sa pumangalawang UP na may 419 puntos.
Nagwagi din ng pitong gold medal ang back-to-back MVP na si Hannah Dato, sa 200-meter butterfly (2:23.21), nagtala ng bagong record sa 50-meter freestyle (26.62), nanguna sa 50-meter butterfly (27.66) at 400-meter individual medley (5:03.71), na pawang mga bago ring UAAP marks.
Tinanghal na Rookie of the Year ang teammate ni Datoh na si Raegan Gavino.
Pumangatlo sa women’s division ang Lady Archers na may 177 puntos.
Samantala sa juniors division, napanatili din ng Blue Eaglets ang kanilang paghahari sa ika-11 sunod na taon matapos makatipon ng 293 puntos.
Pumangalawa sa kanila ang La Salle-Zobel (293), sa pangunguna ni MVP Sacho Ilustre, habang pumangatlo naman ang University of Santo Tomas took (241).
Sa girls division, napanatili din ng Junior Tigresses sa pamumuno ni MVP Camille Buico ang titulo sa nalikom nilang 422 puntos.
Pumangalawa sa kanila ang Junior Archers (298) at pangatlo naman ang UP Integrated School (289).