ALDEN AT MAINE

Ni NORA CALDERON

ANG naging pambansang tanong ng AlDub Nation nitong nakaraang Sabado, tunay na nga ba ang feelings ni Alden Richards kay Maine Mendoza? Umiyak kasi si Alden nang live niyang kantahin ang God Gave Me You sa Broadway Studio ng Eat Bulaga, na itinuring nang isa pang Valentine’s Day para sa fans nina Alden at Yaya Dub.  

Mabuti na lamang may back-up singers na sumalo sa lines na hindi na niya nakanta. 

Relasyon at Hiwalayan

'Kapal ng pagmumukha!' Appreciation post ni Aljur kay AJ, pinutakti ng netizens

Alam ng mga nanonood na ramdam na ramdam ni Alden ang lyrics ng song ni Bryan White. Nadala rin ang audience at nakiiyak sila kay Alden, maging ang hosts ng noontime show.  

Pinuri naman ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang magandang pagkanta ni Alden na siya ang nag-request noong Friday na kantahin nito nang live para kay Maine.

Isa ngang mahalagang araw ito hindi lamang sa fans kundi sa lahat ng sumusubaybay sa kalyeserye segment ng EB dito sa bansa at sa ibang panig ng mundo. Ang pagpayag na ni Lola Nidora na umakyat ng ligaw kay Yaya Dub sa kanilang mansiyon. May tatlo siyang kondisyon, no touch at upwede lamang silang maglapit ng one foot apart. Nag-request din si Lola ng pasalubong na chicharon.  

Todo-support naman ang Dabarkads kay Alden, binigyan pa siya ng mga tips tungkol sa panliligaw.

Sa unang akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub, tumirik ang ipinahiram na sasakyang Hummer ni Allan K kaya ang Mercedes Benz ni Tito Sen ang ipinagamit papunta sa mansiyon. Ang mayordomang si Rihanna (si Wally rin) ang sumalubong kay Alden sa gate. Dala ni Alden ang pasalubong niyang pancit palabok at cake mula sa Kumareng Helen (Gamboa) ni Lola Nidora at chicharon. 

Sinunod ni Alden ang mga lumang kaugalian ng mga Pinoy sa panliligaw na huwag papasok ng bahay hangga’t hindi pinapapasok, nagtanggal pa siya ng sapatos bago pumasok ng bahay pero ipinasuot din uli ito sa kanya nina Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Lola Tinidora (Jose Manalo).

Nang pababain na si Yaya, na pagkaganda-ganda, at nakaharap na ang manliligaw, hindi siya makatingin nang diretso kay Alden. Nasunod ang gusto ni Lola na no touch at may hawak siyang meter tape na pangsukat sa one-foot-apart policy sa dalawa. Paminsan-minsan, nagkakalapit sina Alden at Maine dahil itinutulak sila nina Tidora at Tinidora.  

Nang finally iwanan sila ng tatlong lola, masaya silang kumain, nagsubuan ng pagkain at nang masamid si Maine, binigyan siya ng tubig ni Alden at siya na ang humawak ng tatlong beses sa kamay ni Alden na may hawak ng glass of water.  

Explanation nina Allan K sa studio, aksidente iyong pagkasamid ni Maine at kailangang painumin ng tubig kaya hindi raw kasali sa no touch iyon. Si Rihanna ay nag-request ng picture kay Alden at kay Maine. Sabi ni Rihanna, kukunan din niya ng picture ang dalawa pero no touch kaya hindi umaabot ang kamay nila sa isa’t isa. Kitang-kita na hindi acting lamang ang nakita kina Alden at Maine.

Ang malaking rebelasyon nang araw na iyon, bukod sa nagkalapit na nang tuluyan at nagkausap na hindi narinig ng audience, kung kaninong boses ang narinig nang ilang araw sa show, nang after makaalis si Alden, sumigaw si Maine ng “can this be love” nang tapatan ni Jose ng microphone ang bibig niya. Nagbilin na rin si Lola Nidora na puwedeng dumalaw si Alden kay Yaya anytime basta’t naroon silang mga lola sa bahay. Ngayong nagsalita na si Maine, tuluy-tuloy na kayang maririnig ang totoong boses niya sa mga susunod na eksena sa kalyeserye at may dialogue na kaya sila ni Alden, hindi na dubsmash o lip sync? 

Umapaw sa dami ng tao ang loob at labas ng Broadway Studio at maging sa labas ng mansiyon.

Nagpasalamat ang hosts ng Eat Bulaga sa lahat ng mga sumubaybay, na-extend muli ang show for 20 minutes at bago natapos, in-announce na ni Joey de Leon na more than 19 million na ang tweets na nag-trending nationwide and worldwide na naitala sa kabuuang 25.6 million hanggang kahapon.