Laro ngayon: (Alonte Sports Arena)

4:15 pm -- Petron vs Foton

6:15 pm -- Shopinas vs Mane ‘N Tail

Sasabak sa aksiyon para sa 2014 Grand Prix champion na Petron Blaze Spikers ang inaabangan ng fans na si Rachelle Ann Daquis sa pagdayo ngayon ng 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sasagupain ng title-contender na Petron ang nagpapakitang-gilas na Foton Tornadoes, na pawang target paglabanan ang solo liderado, sa ganap na alas-4:15 ng hapon bago sundan nang salpukan ng Shopinas at Mane ‘N Tail na sisimulan ang kanilang kampanya sa pangunahing club volleyball sa bansa sa ganap na alas-6:15 ng gabi.

Hangad ng Blaze Spikers at Lady Tornadoes ang kanilang ikalawang sunod na panalo habang magsasagupa naman sa kanilang unang laro ang Lady Clickers at Lady Stallions sa tampok na salpukan sa inter-club na torneo na suportado ng Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.

Matatandaan na hindi nakapaglaro sa unang laban ng Petron sa pagbubukas ng torneo ang bagong kaanib na si Daquis subalit nakaligtas sa multa ang Blaze Spikers dahil nauna nang nagpaalam sa coaching staff at organizers ang dating miyembro ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws.

Umaasa naman ang kasapi ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na powerhouse De La Salle University (DLSU) na madadala nila ang Shopinas Lady Clickers na makapagtala ng matinding kasaysayan sa torneo bunga ng ekspiriyensa ng mga manlalaro na sina Cha Cruz, Stephanie Mercado at Michelle Laborte na sumabak sa huling dalawang kampeonato ng torneo.

Kilala noon bilang AirAsia, agad tumuntong sa finals ang koponan bago nabigo sa beteranong Philippine Army (PA) sa matinding salpukan sa titulo ng All-Filipino Conference. Sumunod dito ang Grand Prix kung saan ay nakilala ito bilang Generika na nag-apoy sa huling mga labanan bago kinapos sa tinanghal na kampeon na Petron.

Kakaibang istorya ngayon ang inaasahan ng Lady Clickers na hindi makasasama ang lead spikers na si Aby Marano at Michelle Gumabao at maging ang defense specialist na si Melissa Gohing na nag-iwan ng malaking kakulangan sa komposisyon ni coach Ramil de Jesus.

Si Marano, na naging second overall pick noong 2014 PSL Rookie Draft, ay nakasama sa star-studded na Petron habang si Gumabao at Gohing ay napunta sa Philips Gold.

“It’s going to be a very challenging season for us,” pahayag ni De Jesus, ang arkitetko sa dinastiya ng La Salle sa UAAP. “We have to work doubly hard to overcome the loss of our three key players. The only good thing, however, is that we could give other young players their time to shine. I know they are all capable of stepping up.”

Subalit inaasahang hindi magiging madali ang panalo para sa Lady Clickers sa pagsagupa sa Lady Stallions na ipaparada ang ekspiriyensadong koponan sa pamumuno ni coach Rosemarie Prochina na kabilang sa miyembro ng dominante at kinatakutang national women’s squad na huling nagwagi ng gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Singapore noong 1993.

Si Prochina ang tinanghal na best hitter sa pag-uwi ng bansa ng pinakahuling gintong medalya sa kada dalawang taong torneo at umaasa itong maibabahagi ang kasaysayan at ekpiriyensa sa kanyang mga manlalaro upang maitala ang panalo.

Bibitbitin naman nina dating Cignal ace Honey Royse Tubino, Aby Praca, Norie Jane Diaz at Arianne Argarin ang hinahangad ni Prochina, kasama ang mga rookie na sina Samantha Dawson at Khristine Basco.

“I like the composition of my team; it has a mixture of seasoned veterans and exciting rookies,” sinabi ni Prochina, na tutulungan ng kasamahan at miyembro din sa 1993 squad na si Zenaida Chavez.

“We give them advice and narrate the experience we had in the national team. But come game time, it all depends on them. They have to prove their worth inside the court,” giit ni Prochina.

Tiyak naman na huhugot ng atensiyon ang salpukan ng Petron at Foton.

Makakasama ng magandang si Daquis sina Marano, Dindin Santiago-Manabat, Frances Molina at rookie Alexa Micek sa Blaze Spikers upang muling iparada ang rock-solid na koponan at bigyan ang batang Tornadoes ng matinding hamon.

Unang ipinamalas ng Petron ang balanseng atake kontra sa Philips Gold nang itala ang maigting na tatlong set na panalo, 25-16, 25-18, 25-23.

Sinandigan naman ng Foton sina Angeli Araneta, Pamela Lastimosa, Nicole Tiamzon at Patty Orendain, na ikinasa ang game-high 18 puntos sa tatlong set na panalo ng Tornadoes sa iskor na 25-18, 26-24, 25-23 kontra sa Cignal.