Pompey Requintina

Ni RAUL SALDICO

NAGA CITY – Hindi naging hadlang ang edad sa isang lolo upang maisakatuparan ang kanyang matagal nang pangarap…ang makapagtapos ng abogasya.

Ito ang pinatunayan ni Pompeyo Requintina Sr., na nagtapos ngayong taon ng Bachelor of Laws mula sa University of Nueva Carceres sa siyudad na ito.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Isang certified public accountant at residente ng Barangay Sta. Cruz, nagpursige si Lolo Pompeyo na makapagtapos ng abogasya upang makatulong sa kanyang mga anak at kliyente.

Bagamat biyudo na, naitawid ni Lolo Pompeyo ang kanyang anak sa kahirapan at makapagtapos sa kolehiyo.

Ayon kay Lolo Pompeyo, ang kanyang pinakamataas na grado sa abogasya ay 1.3 habang ang pinakamababa ay 3.

Kasalukuyang nagre-review si Lolo Pompeyo para sa bar exam sa Nobyembre 2015.

Aniya, isang beses lang siyang magtatangkang ipasa ang bar exam.

At sakaling hindi siya makapasa, malaki pa rin ang kanyang pasasalamat dahil natapos niya ang law degree.

At kung makapapasa sa bar, puntirya ni Lolo Pompeyo na maging eksperto sa corporate law bilang isang CPA.

Hangad ni Lolo Pompeyo na maging ehemplo sa mga kabataan na huwag mawalan ng pag-asa at magtiwala sa sariling kakayanan.

Ang mahalaga aniya ay magkaroon din ng hilig sa pagbabasa.

Upang mapanatili ang kanyang pangangatawan, ang paboritong ehersisyo ni Lolo Pompeyo ay mag-jogging araw-araw.