ISIS ULI ● Ipinagdiwang kahapon ng Tunisia ang kanilang araw ng kalayaan. Ngunit nabahiran ng matinding kapighatian ang kanilang dakilang araw bunga ng pag-atake ng isang grupo ng armadong kalalakihansa isa nilang museo kung saan namatay ang 23. Napabalitang inako ng mga miyembro ng Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) ang malagim na pag-atake sa National Bardo Museum. Sinabi ng IS sa isang online message na sila ang nagsagawa ng pag-atake.
Nagpahayag pa ito na ang pag-atakeng iyon ay simula lamang. Sa ulat, nauna nang pinagbabaril ng mga armado ang may 20 turista, nasugatan ang mahigit 40. Kabilang sa mga turistang pinatay ay mula Italy, Australia, Belgium, United Kingdom, France, Japan, Poland, at Colombia. Nagdulot ito ng matinding hilakbot sa mga mamamayan at kanilang mga opisyal sapagkat kasisimula pa lamang ng kanilang pamahalaan na paigtingin ang turismo ng Tunisia.
***
PAGHIHIGANTI ● Malayang bansa ang Tunisia at tinatamasa nila ang kalayaang iyon mula pa noong 1956. Kumikilos ang naturang bansa patungo sa kaunlarang kanilang itinakda upang pumantay sa kanilang mauunlad na kapitbahay sa rehiyon ng Africa. Sa nangyaring pag-atake ng nagpahayag na mga miyembro ng ISIS sa Tunisia National Museum, naapektuhan ang magagandang plano ng pamahalaan para sa kanilang bansa. Gayunman, sinabi ng Pangulo ng Tunisia na si Beij Caid Essebsi, na hindi sila hihinto hanggang masukol ang may kagagawan ng pag-atake at maglulunsad sila ng isang “merciless war” laban sa terorismo. Kahapon, naiulat na naaresto ang siyam sa mga umatake sa National Bardo Museum. Habang tinutuligsa ng international community ang pag-atakeng ito noong Miyerkules, sinabi ni Essebsi na lalabanan nila ito hanggang mapugto ang kanilang hininga. “I want the Tunisian people to understand that we are in a war against terrorism and that these savage minorities do not frighten us,” ani Essebsi, na bumisita sa dose-dosenang sugatan sa isang ospital sa lungsod ng Tunis. Ang pag-atakeng ito ay sinasabing pinakamalala sa bahagi ng mga dayuhan sa Tunisia mula noong 2002 kung saan 14 German, dalawang French, at limang Tunisian ang namatay sa isang pambobomba sa isang sinagoga sa Djerba. Matindi itong kinondena at tinamo ng Tunisa ang suporta ng mga world leader.