Sinuspinde ng Manila city government ang operasyon ng dalawang towing company bunsod ng dumaraming reklamo ng mga motorist laban sa mga ito.

Sinabi ni Manila Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ipinagutos niya ang indefinite suspension ng operasyon ng dalawang towing company – PMA at RWM – sa Manila dahil sa santambak na reklamo mula sa mga motorista.

Ayon kay Moreno, maging sa mga social media ay pinutakte ng reklamo ang PMA at RWM towing company dahil sa pang-aabuso at pagka-arogante ng pahinante ng dalawang kompanya.

Mismong si Domagoso ang nakapanood ng video na nagpapakita habang lantarang lumalabag sa batas trapik ang mga tow truck ng dalawang kompanya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, pinatawan na nila ng multa ang mga pasaway na empleyado ng dalawang towing company subalit hindi pa rin sila umano nadadala.

“Ang ilan sa kanila ay sangkot umano sa carjacking. Isipin n’yo, hihilahin nila ang isang sasakyan ng walang sabi-abi. Parang tuwang-tuwa sila pag nakahihila ng mga sasakyan,” pahayag ng isang staff ng vice mayor.

Imbes na hilahin ang mga sasakyan na ilegal na nakaparada, sinabi ni Domagoso na pinag-aaralan na niya ang isang panukala sa paggamit ng wheel clamp.

Kapag nalagyan ng wheel clamp, hindi na makagagalaw ang isang sasakyan mula sa kinalalagyan nito hanggang mabayaran ng driver nito ang multa dahil sa paglabag sa batas trapik.

Subalit sinabi ni Domagoso na mangangailangan ng karagdagang pondo sa pagbili ng mga wheel clamp.