“Ako ang legal at halal (na alkalde) sa lungsod ng Makati”.
Ito ang iginiit kahapon ni Makati City Mayor Jejomar Erwin “Jun-Jun” Binay matapos ihayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang nanumpang acting mayor na si Romulo “Kid” Peña ang kinikilala nilang alkalde ng lungsod.
Ipinagpipilitan ni DILG Undersecretary Peter Irving Corvera mananatiling acting mayor sa Makati si Peña hanggang hindi nakaklaro ang usapin dahil sa 60-day temporary restraining order (TRO) at hindi status quo ante order ang inilabas ng Court of Appeals laban sa anim na buwang suspension order ng Ombudsman laban kay Binay.
Binatikos ni Mayor Jun-Jun ang posisyon ng DILG dahil sa maling pang-unawa sa isyu at umano’y panlilinlang sa mga mamamayan.
Noong Lunes, isinilbi ng DILG ang suspension order sa pader ng Makati City Hall na sinundan ng agarang pagpapanumpa bilang pansamantalang alkalde ng lungsod si Peña pasado 9:00 ng umaga.
Inihayag ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Rep. Toby Tiangco, dahil sa TRO ay nananatiling alkalde ng Makati si Binay lalo na’t naitakda na ang pagdinig na sisiputin nito sa CA hinggil sa kanilang puntiryang injunction o permanent injunction upang matukoy kung umabuso sa kapangyarihan ang Ombudsman sa pagpapalabas ng suspension order.
Pinuna pa ng batang Binay ang presensiya ng mahigit 2,000 pulis kabilang ang 200 miyembro ng Special Action Force na mistulang “Martial Law” sa Makati City Hall.